SIMULA nitong Sabado (Hunyo 14) ay nakatuwaan kong mag-survey sa aking FB friends kung sino ba ang napupusuan nilang maging presidente, pagkatapos ng termino ni P-Noy sa 2016.
Sa unang batch ng presidentiables, ibinigay ko ang pangalan nina Senador Miriam Defensor-Santiago, DILG Sec. Mar Rojas, ex-Senator Manny Villar at Vice Pres. Jojo Binay.
Hindi ko pa isinama ang pangalan nina Sen. Bong Bong Marcos, Mayor Rodrigo Duterte at Mayor Joseph Estrada.
Pero nagulat ako. Sa unang isang oras, pagkatapos kong i-post ang aking status sa naturang presidentiables, 20 ang nagkomento na si Marcos ang gusto nila, sumunod si Miriam na nakakuha ng 15, si Villar ay nakakuha ng 7, sumunod si Binay na mayroong 5 at si Rojas ay 2 lang kay Rojas.
Si Duterte ay nakakuha ng 3, habang si Erap ay 1 at may isang bumanggit pa sa biyuda ni late DILG Sec. Jessie Robredo na si Congw. Lenie Robredo.
Kahapon ng umaga, nag-post uli ako ng bagong batch ng presidentiables. Ito’y sina: Sen. Alan Cayetano, Duterte, Marcos at Sen. Grace Poe.
Sa unang oras nang pagka-post ko, walo (8) agad ang nag-comment ng Marcos, tatlo kay Poe, dalawa kay Duterte at may isang sumingit ng Binay. Isa rin kay Cayetano.
Sumingit ang publisher ng HATAW na si Jerry Yap, Villar daw siya. Si Non Alquitran, ang police eporter ng Philippine Star/Pilipino Ngayon, galit. Hindi raw sya boboto…
Check ko uli ngayon kung sino na ang leading sa 2nd batch ng ating presidentiables for 2016.
Bagama’t 22 months pa naman bago ang eleksyon, sinisimulan ko na po ngayong damhin ang pulso ng bayan. Ito’y upang malaman kung gaano katindi ang epekto sa kanila ng multi-billion pork scam. Dahil marami sa mga sangkot sa scam ang nagbabalak pang tumakbo sa 2016.
Kabayan, ngayon palang ay tandaan n’yo na ang mga pangalang sangkot sa scam at ibasura sa darating na eleksyon.
Katiwalian sa tubusan
ng driver’s license
sa Manila City Hall
Isang retired Manila Police Major ang nag-‘private message’ sa FB ko tungkol sa katiwalian sa tubusan ng driver’s license sa Manila City Hall.
“Joey, may nakausap ako na motorcycle rider sa kanyang masamang experience sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB). Hinuli sya ng traffic enforcer. Ticket/OVR agad ang ibinigay sa kanya at sabay sabi ‘kung gusto mo tulungan kita para makuha agad ang license sa City hall, ito ang celhpne number ko. Alam mo naman sa City Hall mahaba ang pila sa tumutubos ng kanila ng license.’ Oo nga, totoo ang sinabi ng enforcer. Haba nga ng pila at ang daming mga fixer na lumalapit sa kanilang serbisyo. Ang isang enforcer din nag-offer na may discount raw siya sa loob. Halimbawa P1,500 maging P1,200 na lang daw. Tinawagan agad niya ang enforcer na humuli sa kanyang driver license. Mabilis dumating kaagad. Nagkasundo agad sila sa presyo na sinabi ng fixer. Kaya lang nagtaka s’ya bakit pinapirmahan ang tiket sa kanya ulit. Tapos pumasok sa opis ang enforcer dala ang driver license n’ya. Ang modus operandi pala nila ay palitan ng mababang violation sa tiket imbes P1,200 maging P150 na lang. Malaki ang kinita ng enforcer sa kanya, P1,050 ang nakuha sa gobyerno. Ang enforcer at tagaloob ang kumita. Kalakaran na pala ‘yan matagal na sa tubusan ng tiket simula nang si Erap ang Mayor. – MPD Retired Major
Naniniwala ako sa report na ito ni Major. Napakarami ko nang natanggap na kompleyn dyan sa driver’s license redemption center sa Manila City Hall. Tila wala na kasing takot gumawa ng katiwalian o kalokohan ang mga tao ngayon sa City Hall. Ewan ko ba… Tsk tsk tsk…
Manila Zoning sa City Hall
grabeng korupsyon…
Andami ko nang natatanggap na reklamo ng korupsyon laban sa departamento ng Manila Zoning sa Manila City Hall. Daang libong piso raw kung humirit ang mga tao d’yan, lalo na ang mga engineer. Sino ba ang hepe ngayon ng Zoning ng Manila?
‘Yung mga nagpapagawa pala ng gusali at establishments ay grabe kung kikilan ng mga engineer d’yan sa Manila Zoning. Sasabihin sa ‘yong hindi ka pwede magpatayo ng building o establishment d’yan dahil malapit sa iskul, malapit sa simbahan o residential areas. Tapos hihiritan ka ng daan-daang libong piso bago aprubahan ang permit.
Noong panahon ni Mayor Fred Lim, walang gumagawa nang ganyan sa Manila City Hall. Dahil pag nakarating kay ‘Dirty Harry’ ang kalokohan, tiyak sa kangkungan pupulutin…
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio