Sunday , December 22 2024

Dapat ba natin pagtiisan ang mga habilin ni Sec. Kolokoy ‘este’ Coloma?

00 Bulabugin JSY

ALAM kong maraming galit kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos — ang presidente ng bansa na nagkaroon ng bansag na DIKTADOR.

Pero sa totoo lang, hindi ko narinig sa kanya ‘yang katagang “Magtiis muna kayo.”

Ang natatandaan kong sinabi niya: “This Nation can be great again!” Kasunod n’yan ang: “Sa Ikauunlad ng Bayan, Disiplina ang Kailangan.”

Sa panahon ng kanyang panunungkulan, maraming hindi naniniwala na ginagawa niya ito, pero matapos siyang patalsikin at halinhan ng ngayon ay aabot na sa anim na presidente, marami ang nagsasabi, malayo silang lahat kay Marcos.

Si Tita Cory na iniluklok ng popularismo ng kanyang asawa at galit sa umano’y diktador ay naging larawan ng administrasyon ng paulit-ulit na kudeta, pamamaslang at pagsirit ng presyo ng bilihin ultimo ng pamosong galunggong ng masa na ipinangako niyang ibababa ang presyo.

Si FVR na iniluklok ng kanyang pagpapalit ng maskara mula sa pagtatakwil ng katapatan kay Marcos hanggang sa bintang na kahati ni Enrile sa pagsusulong ng mga kudeta laban kay Tita Cory at naging pasimuno sa pagsasapribado ng mga pangunahing government owned and controlled corporations (GOCC).

Si Erap na … na pinatalsik at naging convicted na plunderer … and the rest is history.

Si GMA na ngayon ay nakakulong at nahaharap din sa kasong plunder …

At si PNoy na nagsasabing, “Walang mahirap kung walang corrupt” pero sinasabi ngayon sa publiko na ‘MAGTIIS MUNA’ sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ultimo ng bawang, sibuyas at bigas dahil hindi raw kontrolado ng estado ang idinidikta ng “market forces.”

SONABAGAN!

Presidential Communications Secretary Herminio “Sonny” kolokoy este Coloma, Jr., PRESIDENT OF THE REPUBLIC OF THE PHILIPPINES pa ba ang ‘amo’ mo?!

O kahuntahan, kabiruan at kabarilan na lang ninyo ni USec. Rey Marfil dahil mukhang hindi niya naiintindihan na siya ang ‘pinakamakapangyarihang tao’ ngayon sa bansa na pwedeng mag-utos agad-agad lalo na kung naagrabyado ang kapakanan ng sambayanang Pinoy?

At ikaw mismo, Secretary Kolokoy este Coloma, hindi ka ba nahihiya na pagsabihan ang publiko na ‘MAGTIIS MUNA’!?

Nagtaasan na ang presyo ng bigas, pasahe, ultimo bawang tumaas na rin.

Bukod pa ‘yan sa tuition fee, bayad sa doktor, at sa iba pang batayang pangangailangan ng mamamayan.

‘MAGTIIS MUNA KAYO,’ ‘yun lang ang isasagot ninyo!

Maitanong ko lang nga, Secretary Kolokoy, kayo ba d’yan sa Malacañang ay sumasala sa pagkain? Tumatagaktak ba ang mga pawis ninyo dahil walang airconditioning unit?

Nakapagtitiis ba kayo kapag wala kayong meryenda o kape?

Tsk tsk tsk …

Magkano ba ang gastos ng Malacañang sa loob ng isang buwan at magkano ba ang tinatanggap ninyong sweldo para sabihin lang sa taong bayan na ‘MAGTIIS MUNA KAYO!”

Hoy magsipag-EBAKWET na kayo riyan sa Palasyo kung ‘yan lang ang kaya ninyong sabihin sa mamamayang wala nang masulingan para mabuhay nang maayos at marangal!

Mga BWISIT!

MALILIIT NA NEGOSYANTE SA TAYABAS HINA-HARASS NI MAYOR?

SA loob ng ilang dekadang, pinagtiyagaan at pinagsumikapang pasiglahin ng maliliit na komersiyante sa Tayabas, Quezon ang kalakalan at ekonomiya ng makasaysayang lalawigan sila ngayon ay parang basurang itinataboy mismo ng kanilang local government.

‘Yan po ang hinaing ng mga nagrereklamong komersiyante na sapilitang pinaaalis at itinataboy ng Tayabas LGU sa pwestong ilang dekada na nilang inookupahan.

Totoong pag-aari ng gobyerno ang nasabing solar sa Panadare St., hangang Luis Palad St., at J.P. Rizal St., hanggang Gen. Luna St.

Ito ay inookupahan ng mayroong 20 tenants na inuulit ko, deka-dekada nang nakaagapay ng local government sa pagpapasigla ng komersiyo sa nasabing bayan.

Pero ngayon ay bigla na lang silang pinalalayas nang wala man lang due process. Hindi rin naman sinasabi sa kanila kung ano ang gagawin sa nasabing lugar.

Kung sakali man na ipagbibili, hindi man lang sila binigyan ng pagkakataon na alukin para sila na ang bumili.

Wala rin alternatibong iniaalok sa kanila kung paano nila ipagpapatuloy ang kanilang pagnenegosyo sa isang espesipikong lugar.

Ipinangha-harass sa kanila ng isang market master na si Veronica Naynes Garcia at tauhan nitong isang alyas Allan na mayroon na raw budget ang nasabing lugar para sa development plan.

Pero natuklasan ng mga tenant na WALA naman pala.

Aba, Mayora este Mayor DINDIE SILANG, ano ba talaga ang gusto ninyong mangyari sa mga komersiyante na deka-dekada nang kaagapay sa pagsusulong at pagpapaunlad ng komersiyo at kalakalan sa inyong bayan?

Department of the Interior and Local Government (DILG) Regional Director, Madam Josie Castillo Go, pakisaklolohan ang mga komersiyante sa Tayabas na ginigipit ng kanilang local government officials!

PAALAM KAIBIGANG REX RAMONES

KAHAPON inihatid na sa huling hantungan (cremation) ang kaibigan at katoto nating si Rex Ramones.

Si Rex ay regular na miyembro ng National Press Club at ng Airport Press Club.

Hindi lang natin sa diyaryo nakasama si katotong Rex, kasama natin siya sa sabi nga ‘e pang-araw-araw na pakikibaka sa buhay.

Hindi kayang tawaran ang pagiging ama ni Rex sa kanyang mga anak, at asawa sa kanyang misis.

Araw-araw ay wala siyang ginawa kundi pagsikapang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang asawa at mga anak.

At saludo tayo sa kanyang pagpapamilya.

Sa panahon na sinubok ng Panginoon ang kanyang kalusugan, masasabi natin na wala nang alalahanin si Rex sa kanyang mga anak. Napagtapos niyang lahat at ngayon ay nag-eempleyo sa magagandang kompanya.

Lumisan si Rex na walang ano mang alalahanin.

Ang naulila niyang si Emmie ay aarugain ng kanyang tatlong anak na pinalaki niyang mapagmahal sa magulang at gaya niya ay natutong magsikap sa kani-kanilang buhay.

Isa lang ang ikinalulungkot natin, bakit ba ang madalas na kinukuha kaagad sa itaas ‘e ‘yung mabubuting tao? Marami naman d’yan ang walang tigil sa pamemerhuwisyo sa kapwa, bakit hindi sila?

Anyway, sabi nga, Diyos lamang ang nakaaalam …

Paalam kaibigang Rex …hangad namin ang iyong mapayapang paglalakbay pauwi sa Dakilang Lumikha.

Hanggang sa muli …

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *