Nadakip ng mga awtoridad sa bayan ng Sta. Cruz, lalawigan ng Laguna, sa magkahiwalay na mga operasyon ang dalawang suspek na kabilang sa drug watchlist hanggang nitong Miyerkoles, 1 Hunyo.
Iniulat ni P/Col. Cecilio Ison, Jr., Acting Provincial Director ng Laguna PPO kay P/BGen. Antonio Yarra, Regional Director ng PRO4A PNP, ang pagkakaaresto sa dalawang drug suspect sa nabanggit na bayan.
Sa isinagawang anti-illegal drugs operation ng Sta. Cruz MPS sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni P/Lt. Col. Paterno Domondon, Jr., at PDEA Laguna noong Martes, 31 Mayo, dakong 8:45 ng gabi sa Brgy. Patimbao, nadakip ang suspek na kinilalang si Jenielyn Pasion at nakumpiska mula sa kaniya ang hinihinalang shabu na tinatayang may bigat na tatlong gramo at nagkakahalaga ng P20,400.
Gayundin, nasukol sa isa pang operasyon ng Sta. Cruz MPS at PDEA Laguna nitong Miyerkoles, 1 Hunyo, dakong 12:20 ng hatinggabi, sa Purok 5, Brgy. Sto. Angel Sur, ang suspek na kinilalang si Richmond Chan, kung saan nasamsam mula sa kanila ang hinihinalang shabu na tinatayang may bigat na 3.5 gramo at nagkakahalaga ng P23,500.
Parehong nakalista ang mga akusado sa listahan ng Street Level Individual (SLI) na mga personalidad sa droga.
Nasa kustodiya na ngayon ng mga himpilan ng pulisya ang mga naarestong suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pahayag ni P/Col. Ison, “Napakaseryoso ng buong Laguna Police Provincial Office sa ating laban sa ilegal na droga. From street level to high value targets, susundan namin kayo, wala kayong lugar sa Laguna Province.”
Dagdga ni P/BGen. Yarra, “Patuloy na titiisin ng Calabarzon PNP ang serbisyo publiko upang masugpo ang mga ugat ng laganap na Krimen na maaaring makasira sa maayos at mapayapang pamumuhay ng mga tao sa Rehiyon 4A.” (Boy Palatino)