GINAGAMIT ng isang international drug syndicate ang mga pulo sa lalawigan ng Quezon bilang daluyan ng ibinabiyaheng ilegal na droga gaya ng isang toneladang shabu o methamphetamine hydrochloride na nasabat Martes ng madaling araw, 15 Marso 2022, sa bayan ng Infanta sa lalawigang ito.
Kinompirma ito ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Eric Distor, kaugnay ng nasabat na isang toneladang ilegal na droga, sakay ng tatlong van sa Infanta, Quezon na tinaya noong una na nasa P10 bilyon ang halaga.
Nauna rito, hinarang ng mga awtoridad ang tatlong van sa ikinasang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng NBI at Infanta Municipal Police Station (MPS) upang harangin ang mga sasakyang nagkakarga ng mga hinihinalang ilegal na droga.
Ayon kay Agent Omar Orille ng NBI Task Force Against Illegal Drugs, ang droga ay galing sa Alabat Island na naglakbay patungong Polillo Island.
Sa pagitan umano ng Polillo at Balesin islands isinakay sa isang yate saka inilipat sa isang malaking Bangka, saka dinala sa Infanta para isakay sa tatlong van.
“Nag-start ‘to sa Alabat Island, nag-sail sila papuntang Polilio Island between Polilio Island and Balesin. Doon nila kinuha ‘yung mga droga then nag-sail towards Infanta,” pahayag ni Orille sa mga mamamahayag.
Sa ginawang imbentaryo, nabatid na ang mga ilegal na droga ay inilagay sa 600 Chinese teabags were na tumitimbang ng 1.5 metric tons sa kabuuan, tinatayang P12 bilyones ang halaga.
Nakipag-ugnayan agad si Infanta Vice Mayor L.A. Ruanto na ngayon ay nagsisilbing acting mayor sa NBI at PNP sa pangunguna ni Provincial Director P/Col. Joel Villanueva at Infanta MPS chief, P/Maj. Francis Aldrich Garcia upang mas mapaigting ang pagtunton sa source at pagdadagdag ng mga tauhan para makatulong sa pagsawata ng mga katulad na krimen.
Nanawagan si Ruanto sa mga kababayan na maging mapagmatyag sa kanilang mga komunidad at kung may mga impormasyon at kaalaman upang matunton ang pinanggagalingan ng mga kagayang kontrabando ay ipagbigay alam agad sa mga awtoridad.
Ayon kay NBI Director Distor, “May tracker, may GPS, may satellite phone, big-time operation … ipo-forensic natin ito, malalaman natin ‘yung mga calls dito.”
“Hahabulin natin, huhulihin natin hanggang sa kahuli-hulihang drug lord,” pagtitiyak ni Distor. (BOY PALATINO)