ARESTADO ang tatlong most wanted persons ng lalawigan ng Laguna sa magkakahiwalay na operasyong ikinasa ng mga awtoridad nitong Martes, 8 Pebrero.
Sa ulat na ibinigay ni Laguna PPO Provincial Director P/Col. Rogarth Campo kay CALABARZON Police Regional Director P/BGen. Antonio Yarra, dinakip ang tatlong indibiduwal na nakatala bilang mga most wanted person sa isinagawang manhunt operation ng Laguna PNP.
Nadakip ng mga tauhan ng Santa Rosa CPS sa pamumuno ni P/Lt. Col. Paulito Sabulao, kahapon sa Brgy. Lauang Cupang, Lapaz, Tarlac ang suspek na kinilalang si Jovany Yedra, 25 anyos, panadero, sa bisa ng warrant of arrest para sa dalawang bilang ng kasong Qualified Rape na walang inirerekomendang piyansa mula sa Calamba, Laguna RTC Branch 8, may petsang 22 Pebrero 2021.
Nakatala ang suspek bilang Rank No. 7 most wanted person sa Regional Level ng CALABARZON.
Sa hiwalay na operasyon ng Santa Rosa CPS, inaresto rin kahapon sa Brgy. Pulong, Sta. Rosa City, Laguna ang suspek na kinilalang si Dennis Cantos, 45 anyos, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Calamba, Laguna RTC Branch 34 para sa kasong Large Scale Estafa na may petsang 1 Agusto 2016 at walang inirekomendang piyansa.
Nakatala ang akusado bilang Rank No. 6 Most Wanted Person City Level sa lungsod ng Calamba.
Gayundin, nasakote ng Biñan CPS sa pamumuno ni P/Lt. Col. Jerry Corpuz, kahapon sa Brgy. Timbao, Binan, Laguna ang suspek na kinilalang si Jose Ely Guevarra, 67 anyos, sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Murder na inilabas ng Daet, Camarines Norte RTC Branch 39, may petsang 20 Marso, 2017.
Nakatala si Guevarra bilang Rank No. 5 most wanted person ng Regional Level ng PRO5 PNP.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kanilang mga arresting units ang mga suspek habang ang court of origin ay aabisohan sa pagkakadakip sa mga most wanted person.
Pahayag ni P/Col. Campo, “Ang mga patuloy na nagtatago sa kamay ng batas ay patuloy na tutugisin hanggang sila ay maikulong, ang mga intervention at operasyon ng Laguna PNP laban sa wanted persons ay hindi titigil para sa kaligtasan ng mga Lagunense.” (BOY PALATINO)