SA PANGAMBANG maipaaresto ng Senado si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ay agad lumipad pabalik ng Filipinas mula sa Estados UNidos ang dating opisyal upang makadalo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa mga katiwalian sa flood control projects.
Sa isang panayam, sinabi ni Bonoan na natakot siyang ma-contempt ng senado kung kaya’t pinilit niyang makadalo sa pagdinig.
Si Bonoan ay nasa Estados Unidos upang samahan ang kanyang asawa na sinabing nagpapagamot sa hindi mabatid na karamdaman.
Nauna nang nagbanta si Senador Panfilo “Ping” Lacson, chairman ng committee na handa niyang irekomenda kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pagpapalabas ng warrant of arrest sa mga indibiduwal na iisnabin ang imbitasyon ng Senado.
Kaugnay nito, nagpalabas ng show cause order ang senado para kina Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana, DPWH Regional Dir. Region V Virgilio Eduarte, Bulacan 1st District Engr. Arjay Salvador Domasig, dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, John Paul Estrada, Mark Tecsay, dating Security Consultant ni dating Rep. Co na si Orly Guteza, Marie Melody Canlas, at Jonalyn Mercado.
Dalawang araw ang ibinigay ng Senado sa mga pinaldahan ng show cause order upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat labasan ng warrant of arrest.
Sa sandaling hindi makombinsi ang senado sa mga paliwanag at mabigong dumalo sa susunod sa pagdinig ay hahainan sila ng warrant of arrest upang dalhin sa senado para dumalo sa pagdinig. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com