NANINIWALA si Senador Panfilo “Ping” Lacson, Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na ebidensiya at hindi ingay ang matibay na basehan upang mapanagot ang lahat ng sangkot sa katiwalian partikular sa mga flood control projects.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite, binatikos ni Lacson ang mga nanggugulo at kumukuwestiyon sa imbestigasyon, at sinabing hindi makatutulong ang maiingay na pahayag sa pagpapakulong ng mga kurakot.
Nanindigan si Lacson, dahil sa malalimang mga pagdinig ng komite, nabunyag ang malawak at sistematikong pag-abuso sa pondo ng bayan na kinasasangkutan ng matataas na opisyal sa ehekutibo at lehislatura, pati ang ilang pribadong kontratista.
Sinabi ni Lacson, may mga kasong naisampa na sa Sandiganbayan at iba pang hukuman, habang ang iba ay sumasailalim sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman at Department of Justice.
Inihayag ni Lacson, mayroon nang hindi bababa sa P21 bilyon sa mga bank account at ari-arian ang na-freeze at may ilan pang personalidad ang pumayag na makipagtulungan sa gobyerno.
Ipinunto ni Lacson sa pagdinig ang ‘conflict of interest’ sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), ang paglantad ng mga blacklisted na kompanya sa ilalim ng bagong pangalan, at ang paggawad ng malalaking kontrata sa mga kompanyang kulang sa kapital.
Siniguro ni Lacson na susundan ng komite ang ebidensiya saanman ito humantong, at walang poprotektahan o target na kahit sino sa isinasagawang imbestigasyon. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com