LIMANG pulis, apat na nakatalaga sa Angeles City at isa sa Zambales ang kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay ng umano’y P14-milyong robbery laban sa isang private contractor sa Brgy. Sta.Cruz, Porac, Pampanga.
Ayon kay Angeles City police chief Col. Joselito Villarosa Jr., ang mga pulis na sangkot sa insidente ay agad nang inalis sa kanilang puwesto habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang alamin ang buong pangyayari at pananagutan.
Sa ulat ay napag-alaman na isang Special Investigation Task Group ang binuo ng Police Regional Office 3 upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon, kumuha ng ebidensya, mag-validate ng mga timeline, at suriin ang lahat ng kaugnay na impormasyon upang makabuo ng matibay na kaso at matiyak ang ganap na pananagutan.
Sinabi ng PRO3 sa pamumuno ni PBGeneral Ponce Rogelio I. Peñones Jr., regional director ng Police Regional Office 3, na ang mga tauhan ng pulisya na unang sangkot sa insidente ay tinanggal sa kanilang mga pwesto bilang bahagi ng karaniwang pamamaraan habang isinasagawa ang imbestigasyon.
“Malinaw na iginiit ng PRO3: ang sinumang pulis na lumalabag sa badge ay mahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo. Walang palusot. Anumang maling paggawi sa Central Luzon ay hindi kukunsintihin,” diin ng regional command.
Tinalakay din sa pahayag ang mga ulat ng sinasabing pagkakasangkot ng pulisya sa isang hiwalay na insidente sa Angeles City.
Sinabi pa ng PRO3 na ginagawa nito ang lahat ng pagsisikap upang matukoy ang lawak ng anumang pakikilahok ng mga tauhan.
Nagawa na ang mga paunang aksyon, at susunod ang mga karagdagang hakbang upang magsampa ng mga naaangkop na kaso kapag nakumpleto na ang imbestigasyon.
Ang mga ground commander ay inatasan at binigyan din ng kapangyarihan na kumilos nang may katiyakan sa anumang maling paggawi.
Tiniyak ni PBGeneral Peñones Jr. sa publiko na ang transparency, integridad, at propesyonalismo ay nananatiling “hindi maikakaila” sa lahat ng operasyon ng pulisya sa Gitnang Luzon. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com