NABABAHALA si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa aniya’y tumataas na kaso ng pagkabansot kaya iminumungkahi niya ang pondo at koordinasyon laban dito.
Babala niya, maaaring panghabambuhay na ang epekto nito sa mga bata kung mananatiling hiwa-hiwalay ang mga programa.
“Hindi natin ipino-propose [na maglagay ng] wild amounts kung ‘di natin sure [kung saan gagamitin.] Pero sa mga lugar na ito, I’d like to propose ‘yung hindi napondohan sa Department of Health (DOH) na P2.4 bilyon ay lagyan ng amount because of certain doubts of the effectivity of the DOH doing it alone,” sabi niya sa period of amendments ng General Appropriations Bill nitong 2 Disyembre 2025.
Ang P2.4 bilyon na tinukoy niya ay orihinal na nakalaan para sa National Nutrition Council. Hindi ito naaprobahan at nailipat lamang sa second tier ng DOH budget noong nakaraang taon.
Binigyang diin ni Cayetano, dapat unahin ang pondo para sa mga probinsiyang may pinakamataas na stunting prevalence.
Tinukoy niya ang top five regions kung saan apat ang lampas 30 percent. Ito ang BARMM, SOCCSKSARGEN, Zamboanga Peninsula at MIMAROPA. Ang ikalima, Davao Region, ay mas mababa sa 30 percent ngunit kasama pa rin sa mga pinakaapektado.
“Maganda sa LGSF (Local Government Support Fund) mahigpit ‘yung guidelines. Ang maganda naman sa DSWD, kuhang-kuha na ni Secretary Rex [Gatchalian ang needed action]… but we should really consider those in danger of stunting being in crisis,” aniya.
Iminungkahi rin ni Cayetano na hatiin ang pondo sa DOH, DSWD, at LGSF para mas mabilis ang implementasyon.
“Let’s say if you put P3 billion, I’d rather [divide it] — P1 billion in Local Government Support Fund (LGSF), P1 billion in DSWD, and P1 billion in DOH,” sabi niya.
“This way, one program continues, but funding flows through different agencies to speed up action,” dagdag niya.
Paulit-ulit nang nagbabala si Cayetano tungkol sa pagkabansot at ang epekto nito sa pagkatuto, produktibidad, at pangmatagalang pag-unlad ng kabataang Filipino.
“[There is] prevalence, meaning hindi lang ito potential pero ito talaga ang nangyayari. It’s really higher than 27 percent. That’s one out of four children. Are we willing years from now, ‘yung young adults natin, one out of four of them cannot reach their full potential because of this?” aniya.
Sa mga nauna niyang interpellations, hinikayat ng senador ang lahat ng ahensiya, kasama ang Department of Education (DepEd), na sundin ang iisang national plan at mag-pilot ng interventions sa mga probinsiyang pinakatinamaan.
“We need a specific intervention. Choose provinces na higher than 25 percent, ‘yung endangered of stunting, and see if mapababa natin ang prevalence,” sabi niya.
Nagbabala rin siya na kung walang mabilis at target na aksiyon, maaaring lumaki ang mga batang “handicapped for life.”
“Sa rami nating ginagawa sa infrastructure, education, health… kung ‘yung perang na-corrupt ay maibalik at hindi pa rin napunta sa anti-stunting, maganda nga ang kalye mo, hindi ka nga binabaha, pero bansot pa rin ‘yung bata,” pahayag ni Cayetano. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com