MABILIS na tumugon sa panawagan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kaya’t muling nagsagawa ng clean-up operations ang Metro Manila Development Authorithy (MMDA) kahapon sa kahabaan ng Road 10 dahil sa kaliwa’t kanang gabundok na basurang itinambak sa nasabing highway.
Ayon kay MMDA Metro Parkways Clearing Group (MPCG) Director Francis Martinez, ang R10 ang isa sa mga lugar na kanilang binabalik-balikan para linisin dahil sa rami ng basura na nagkalat sa lansangan.
Gumamit ang MPCG ng backhoe, payloader, dump trucks, at iba pang kagamitan mula sa MMDA Flood Control and Sewerage Management Office para maalis agad ang iba’t ibang uri ng basura sa gitna ng kalsada.
Aniya, minamadali nila ang paghahakot sa basura dahil maaanod ito ng ulan at babara sa mga drainage na magdudulot ng pagbaha sa Maynila.
Nagmula sa mga residente sa lugar ang basura na itinatapon lalo sa gabi.
Panawagan ng MMDA sa mga barangay at sanitary enforcers: bantayan ang R10 at iba pang lansangan sa Maynila para hindi gawing tapunan ng basura.
Mahalaga rin na maging responsable at disiplinado sa mga kalat.
Samantala, sa pagpapatuloy ng kanilang paghahakot sa mga lansangan sa Maynila, higit sa 97 dump trucks o may katumbas na 135 tonelada ang kanilang nakolekta at nadala sa Navotas Sanitary Landfill 24 Hunyo hanggang 28 Hunyo. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com