NASA kamay na ng Senate impeachment court ang dalawang pleadings na inihain ng House prosecution panel kahapon, 25 Hunyo, araw ng Miyerkoles.
Isa rito ang manifestation o ang “Resubmission of Entry of Appearance” at ang isa pa ay “Submission”.
Ipinaliwanag ni Senate Secretary and impeachment Clerk of Court, Atty. Renato Bantug Jr., hindi pa puwedeng talakayin sa publiko ang mga dokumento dahil kailangan muna itong makita at mabasa ng mga senator-judges.
Ang “Submission” ay tugon sa summons ng Impeachment Court para ipaliwanag kung nilabag ba nila o hindi ang one-year ban sa paghahain ng impeachment complaint laban sa isang opisyal ng pamahalaan kasunod ang pagbalik ng reklamo ngunit hindi ito tinatalikuran at binibitawan.
Mismong si Records Management Service Director Billy Uy ang nagsumite kay Bantug ganap na 1:05 ng hapon ng kopya ng sagot ng prosecutor panel.
Hindi idenetalye ni Bantug o ni Uy ang nilalaman ng Submission pleadings.
Agad pinadalhan ng tig-iisang kopya ang mga senator-judges ng dalawang pleadings ng prosecution panel.
Sinabi ni Senate President at Impeachment court presiding judge Francis “Chiz” Escudero, bagamat may mga isinumite na ang bawat kampo ay hindi pa rin maaaring mag-convene ang korte dahil wala pang malinaw na sagot ang prosecution panel sa tugon ni Duterte.
Hinihintay ang sagot ng prosecution panel hanggang 30 Hunyo.
Ani Escudero, sa 30 Hunyo magtatapos ang 19th Congress kasabay ng pagtatapos ng termino ng ilang senator/judge. Sa pagpasok ng 20th Congress, magkakaroon ng bagong ng mga senator/judge.
Aniya, maaari silang mag-convene anytime kung mayroong hihiling na senator/judge at kung mayroon silang kailangang pagdesisyonan.
Naniniwala si Escudero, anomang bagay ay maaaring mangyari sa pag-convene muli ng impeachment court gaya ng pagtalakay sa mosyon ng isang senator/judge dahil ito ay karapatan nila at hindi niya kayang pigilan.
Paalala niya sa lahat, tumutok at manood sa magiging takbo ng impeachment court dahil bukas ito sa publiko. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com