MA at PA
ni Rommel Placente
HINDI nakatiis at pinatulan ni Dennis Trillo ang ilang bashers na nagkomento tungkol sa panganay na anak ng kanyang asawang si Jennylyn Mercado sa dating karelasyong si Patrick Garcia, si Alex Jazz.
Binarag ni Dennis ang netizens na naging insensitive sa health condition ni Jazz.
Nag-post kasi si Jen sa kanyang social media page nitong Linggo, June 22, ng isang video na mapapanood ang bonding moments nila ng mga anak nila ni Dennis na sina Alex Jazz at Calix sa isang mall.
Si Calix, 17, ay anak ni Dennis sa dati niyang partner na si Carlene Aguilar.
Sabi ni Jennylyn sa caption ng kanyang Facebook at Instagram post, “Spending the day with my boys, discovering wonders and picking up some cool stuff at the National Geographic store.”
Kasunod nito ay may mga netizen na nagkomento tungkol kay Jazz. Reaksiyon ng isang FB user, “Parang may autism anak ni Jen.”
Sinagot naman siya ni Dennis ng, “May problema po ba kayo sa may autism?”
Pansin naman ng isa pang netizen sa kilos ni Jazz, “Parang malamya.”
Bwelta ni Dennis sa kanya, “Wow hiyang-hiya naman ako sa pagmumukha mo.”
Na-diagnose si Jazz ng Autism Spectrum Disorder o ASD na ayon sa isang heath website ay isang “neurodevelopmental condition” na karaniwang lumilitaw sa maagang bahagi ng pagkabata.
Ang mga batang may ASD ay maaaring magkaroon ng pagkakaiba sa komunikasyon, pakikipag-ugnayan sa ibang tao, at pag-uugali.
Mababasa rin sa FB page ni Jennylyn ang comments ng netizens na nagtatanggol sa Kapuso celebrity couple at kay Jazz.
Comment ng isang netizen, “Sa pnhon ngyon bkit tinitignan na ng tao kung my diperenxa o wala ang nisang tao hndi ba pedeng pnty nlng ntin tignan at norml lng ntin tignn, hndi nmn cgro kwalan sa inyo mging mbuting mbuting tao kung wlaang mgndang ssbhn srilinin nyo nlng.”
Tama nga naman itong netizen sa kanyang comment, ‘di ba? Huwag na sanang magko-comment kung makakasakit din lang naman.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com