MATAPOS mag-convene ang senado bilang isang impeachment court kasunod na nanumpa ang mga senador bilang hukom.
Mismong si Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng korte ang nagpanumpa sa lahat ng mga senador bilang hukom.
Ganap na 6:25 ng gabi nang pormal na buksan ng senado ang impeachment court.
Nakasuot ng kanilang Oxford Crimson Robe ang mga senador bilang hukom maliban sa mga tumangging sina Senadora Cynthia Villar, Imee Marcos, Senador Robinhood Padilla.
Hindi nasunod ang unang plano ni Escudero na pormal na buksan ang impeachment court ngayon,11 Hunyo 2025.
Magugunitang naunang nanumpa si Escudero bilang presiding officer noong Lunes, 9 Hunyo 2025.
Tulad ng inaasahan ay nagkaroon ng pagtatalo ang mga senator/judges sa unang araw ng pagbubukas ng impeachment court matapos maghain ng mosyon si Senator/Judge Ronald “Bato” Dela Rosa na ibasura na ang reklamo laban kay Duterte dahil naniniwala siyang hindi ito dumaan sa tamang proseso at nalabag ang Saligang Batas.
Bagay na tila ‘hinilot’ ni senator/judge Alan Peter Cayetano at nagsabing dapat ay i-remand na lamang ang naturang reklamo upang pasagutin ang prosecution team o ang mababang kapulungan ng kongreso kung dumaan sa tamang proseso ang reklamo at kung ilang reklamo ang inihain sa kanila.
Sa huli, nanaig ang mosyon/amyenda ni Cayetano mula sa mosyon ni Dela Rosa sa botong 18-5. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com