INAMIN ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na isa siya sa mga utak ng kumakalat na resolusyon na inirerekomenda sa senado na ibasura ang inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Dela Rosa, nag-ugat ang kanyang panukala matapos ihayag ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino na tila patay na ang impeachment complaint laban kay Duterte.
Sinabi ni Dela Rosa, bukod sa kanyang panukala ay mayroong tatlo pang bersiyon at ito ay pinagsasama-sama nila upang higit na makabuo ng isang bersiyon na magpapaliwanag nang malinaw at hihikayat sa mga senador para lumagda at suportahan ito.
Ngunit tumanggi si Dela Rosa na tukuyin kung sino-sino pa ang ibang mga senador na may bersiyon.
Aminado siya na mayroong mga senador ang nagpahayag ng suporta sa kanyang panukala ngunit hindi pa siya handa na ibunyag ang mga pangalan nito.
Tanging sinabi ni Dela Rosa na mayroon siyang numero sa pagitan ng 0 to 23 senators at kabilang na siya roon.
Tiniyak ni Dela Rosa na kanyang ihahain ang naturang panukala sa takdang panahon upang matalakay sa sesyon ng senado sa sandaling makalap na ang sapat na lagda ng mga senador.
Paliwanag ni Dela Rosa, mayroon siyang paninindigan at handa niyang tayuan ang kanyang desisyon ukol sa isyu lalo na’t ito ay mapagdedebatehan din pagdating sa susunod na kongreso.
Sinabi ni Dela Rosa na nakita at nabasa na rin ni Senadora Imee Marcos ang kanyang draft resolution ngunit tumanggi siyang sabihin kung nakalagda na o hindi pa.
Sa isang panayam, inamin ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na nakarating at nakita na niya ang naturang resolusyon. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com