NANGANGANIB na madeskalipika o malagay sa bingit ng alanganin ang kandidatura ni Malabon re-electionist Jeannie Sandoval kung mabibigong malusutan ang inilabas na show cause order ng Commission on Elections (Comelec) matapos mapabiliang ang kanyang pangalan sa inilabas na listahan ng mga dapat magpaliwanag kaugnay ng vote buying.
Batay sa inilabas na dokumento ng Comelec, si Sandoval ay inakusahan ng vote buying matapos nitong gamitin ang social media pages ng lungsod sa kanyang pangangampanya.
Sa social media page ng lungsod lumalabas na ginamit sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Malabon Ahon Blue Card ngayong kasagsagan ng kampanyahan na maituturing na isang paghihikayat na kapalit ng boto pabor sa namimigay.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9006 (Fair Election Act) at Omnibus Election Code mahigpit na ipinagbabawal ang pamimigay ng pera, regalo, pagkain o ayuda kapalit ng pagboto at pagsuporta sa isang kandidato.
Nakapaloob din sa batas na maaaring managot hindi lamang ang namimigay kundi maging ang mga tumatanggap ay maaaring patawan ng karagdagang parusa, kabilang ang pagkakakulong at pagkansela ng karapatang bumoto o tumakbo sa eleksiyon.
Magugunitang marami nang naunang inisyuhan ng show cause order dahil sa mahigpit na pagbabantay upang matiyak ang patas at malinis na eleksiyon sa Malabon at sa buong bansa.
Bukod dito, magugunitang nahaharap ang mag-asawang Ricky Sandoval at Jeannie Sandoval sa malaking isyu kaugnay ng pamimigay ng mga sertipiko na may larawan nila sa mga recognition at graduation ceremonies, isang malinaw na paglabag sa mga patakaran ng COMELEC. (NIÑO ACLAN)