
TIWALA si dating Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares na mapatatalsik sa puwesto si Vice President Sara Duterte kaugnay ng kasong impeachment complaint na isinampa laban sa ikalawang mataas na opisyal ng bansa.
Inihayag ni Colmenares sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay, sa Café Adriatico, malate, Maynila, malakas ang kasong isinampa at inihain nila laban sa bise presidente kung kaya’t sinuportahan ito ng mga mambabatas mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Tinukoy ni Colmenares, sa loob nang halos limang buwan ay wala pa rin naibibigay na paliwanag ang tanggapan ng bise president kung paano nalustay ang P125 bilyong intelligence funds sa loob lamang ng labing-isang araw.
Binigyang diin ni Colmenares, hindi malinaw paliwanag ng kampo ni Duterte sa mga naging pagdinig ng Kamara ukol sa isyu.
Tiniyak ni Colmenares na mayroon silang sapat na ebidensiya upang patunayan na nagkaroon ng pag-abuso sa kapangyarihan sa paglustay ng pera ng bayan.
Handa rin si Colmenares na maging bahagi ng 11-man team prosecutor panel kung itatalaga siya ng house speaker upang sa ganoon ay higit niyang maidepensa ang reklamo laban sa bise presidente.
Magugunitang minsan na rin naging bahagi ng prosecutor team si Colmenares noong impeachment trial laban kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Kaugnay nito, naniniwala si Colmenares na ‘inupuan’ ng Senado ang inihaing reklamo laban sa bise upang hindi maapektohan ang kandidatura ng mga re-eleksiyonistang senador.
Naniniwala si Colmenares na maaaring bigyang pansin ng mga senador ang impeachment complaint kung gugustuhin dahil may natitira pa namang 12 senador na maaaring umaksiyon. (NIÑO ACLAN)