PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
MULI ang aming taos-pusong pakikiramay sa mga naulila ni Ms Nora Aunor, ang ating Superstar at National Artist.
Grabe ang trending ng mga mensahe at pakikipagdalamhati sa pagkamatay ni Ate Guy na sumabay pa sa paggunita natin ng Holy Week.
Hahangaan mo rin talaga ang kasikatan ni ate Guy at pagiging ‘kabogera’ nito dahil kahit sa kanyang pagyao ay pinagkakaguluhan at pinag-uusapan siya sa lahat ng panig at maging sa labas ng bansa.
‘Yun nga lang, sa dinami-dami ng mga tao- celebrities man o ordinaryo, mapapatanong ka tuloy kung nasaan kaya sila noong mga panahong nangangailangan ng suporta, ayuda, at pang-unawa ang isang Nora Aunor.
But then again we realized and once again proved that ‘Pinoys’ or people are really like that–kung kailan nawala na ‘yung tao at saka lang biglang nagkukwento, nag-aanunsyo, nagpo-post ng mga anik-anik nilang anekdota sa nag-iisang Superstar ng Philippine showbiz.
Marami rin kaming sariling mga kwento at anekdota kay ate Guy kahit isa kaming avid and proud Vilmanian, pero aalalahanin na lang namin ang mga ‘yun bilang ilan sa magaganda at makabuluhan naming karanasan sa buhay.
Sa mga naulila ni ate Guy, lalo na kina Lotlot, Ian, Matet, at Kiko na tunay namang pinrotektahan ang mommy nila para sa ‘imahe’ nitong Superstar, ang aming pakikidalamhati sa inyo.
Kina kapatid Lala, Marion, Ashley at sa mga kaibigan din naming mga Villamayor at Aunor sa Iriga City at abroad, sa fans at kaibigan naming mga Noranian, ang aming dasal at simpatya para sa inyo.
Maraming SALAMAT Bulilit, ate Guy, Nora Aunor sa lahat ng naiambag mo sa industriya at sa kulturang Pinoy, sa aming mga kaisipan at damdamin, sa aming pagkatao.