DUMALO ang mahigit 15,000 indibiduwal, mayorya rito ay mga kabataan sa unang araw ng taunang Taguig Music Festival na ginanap sa Arca South ground ng lungsod.
Ang Taguig Music Festival ay bahagi ng pagdiriwang ng 438th founding anniversary ng lungsod.
Kabilang sa nagpakitang gilas sa unang araw ng festival ay ang banda at grupong Mayonnaise, Dionela, Armi Millare, Any Name’s Okay, Rob Daniel, Natural High, Whirpool Street, at Pau Gesi.
Hindi naman magkamaliw ang saya at kagalakan ng mga dumalo at sa bawat awitin at performances ng mga performer ay sigaw, hiyaw, palakpak at lundag ang hatid sa bawat sa manonood.
Inihayag sa festival na ang lungsod ng Taguig ay pinagtutuunan ng pansin ang kinabukasan ng mga kabataan. Patunay rito ang paglalaan ng P900 milyon pondo para sa mga scholar ng lungsod.
Layon ng programang ng lungsod na walang isa mang kabataang Taguigeño ang maiiwan sa larangan ng edukasyon.
Nagpapasalamat si Taguig Mayor Lani Cayetano sa mga taxpayers dahil sila ang dahilan kung bakit nakapaghahatid ng magagandang programa, proyekto, at gawain ang lungsod sa mga mamamayan.
“sa lahat ng tiwalang ibinibigay nila (taxpayers) sa ating probinsiyudad nagkakaroon ng kapasidad to support social services, projects and programs for the betterment of our City,” ani Cayetano.
Umaasa rin si Cayetano na sana lahat ng dumalo sa naturang aktibidad ay lubhang nagsaya at nag-enjoy.
Nagpapasalamat si Cayetano sa lahat ng mga mamamayan ng Taguig sa patuloy na pagsuporta sa lahat ng programa ng lungsod.
Si Cayetano ay kilalang mahilig sa mga awitin at isang mang-aawit at jammer sa mga tumutugtog na grupo. (NIÑO ACLAN)