NAKIISA si Senador Lito Lapid sa Women’s Month Celebration ng mga kababaihan sa Iriga City nitong nakaraang Huwebes, 6 Marso.
Sa selebrasyon ng buwan ng mga kababaihan, binigyan ni Lapid ng rosas ang 12 babaeng lider ng Agta tribe sa Iriga City.
Ikinagalak ng mga kababaihang Agta ang sorpresang pagbibigay ni Lapid ng bulaklak sa kanila bilang pagpapakita ng pagkilala sa kanilang kahalagahan sa komunidad.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Lapid na nakikibahagi siya sa espesyal na pagdiriwang ng araw ng mga kababaihan.
“Saludo po tayo sa kanilang kababaang loob, talino at lakas para itaguyod ang kanilang mga pamilya,” ayon kay Lapid.
Dagdag ng re-electionist senator, “Kayo ang ilaw ng tahanan, walang kapantay ang inyong sakripisyo at pagmamahal sa ating mga pamilyang Filipino.”
“Happy Women’s month sa mga maybahay, mga ate, mga nanay, at mga lola. Mahal na mahal ko po kayong mga nanay. Kinikilala rin po natin ang husay at tatag ng ating mga babaeng lider na matapang na nangunguna at nangangalaga sa ating nga komunidad. Maraming salamat po at mabuhay po kayo,” ani Lapid.
Malaking bahagi ang gagampanan ng kababaihan sa legislative agenda ni Sen. Lapid na naglalayong pagyamanin ang turismo at agrikultura sa ating bansa.
Si Sen. Lapid ay isa sa mga may akda ng Magna Carta of Women (MCW), isang batas ng nagbibigay ng proteksiyon sa kababaihang Filipino o kilala rin bilang Republic Act 9710. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com