TAHASANG sinabi ng Pamilya Ko Party List na kanilang isusulong sa Kongreso ang mura at mabilis na proseso ng diborsiyo sa sandaling sila ay palaring manalo ngayong May 12 2025 national and local elections.
Ayon kay first nominee Atty. Anel Diaz, top 1 bar topnotcher noong 2003 ng Pamilya Ko Party List isa ito sa mga adbokasiya ng grupo kung kaya’t nais nilang makapasok sa Kongreso sa gaganaping halalan sa 12 Mayo 2025 midterm election.
Binigyang-linaw ni Atty. Diaz na maraming nagtangka na isulong ang diborsiyo sa Kongreso ngunit walang nagtagumpay dahil hindi malinaw kung anong pamamaraan at tamang sistema.
Napuna ni Diaz, sa mga nagsulong ng diborsiyo sa Kongreso tila kinopya lamang ang version ng legal separation at annulment na tila naging pahirap pa sa mga dating mag-asawa para magkaroon ng payapang buhay.
Binigyang-linaw ni Diaz, na bagamat tutol dito ang simbahang Katoliko, umaasa siyang mauunawaan nila ang kanilang adbokasiya upang sa ganoon ay magkaroon ng kalayaan ang isang mag-asawang hindi na nagiging mayabong pa ang pagsasama.
Aminado si Diaz na bagamat bago silang partylist ay umaasa silang pagkakatiwalaan ng taong bayan na maupo sa kongreso at makapaglingkod sa sektor na kanilang kakakatawin sa mga modern Filipino arrangement na LOVABLES na ang ibig sabihin ay live-in partners, OFW families, mga biktima ng domestic abuse, adoptive families, blended families, LGBTQIA union, extended & elderly, solo at/o single parent.
Kaugnay nito, nagsagawa ng house-to-house campaign ang Pamilya Ko Party List sa San Andres, Maynila upang ipaalam sa mga botante ang kanilang layunin at plano para sa bawat pamilya.
Naging mainit ang pagtanggap ng mga mamamayan ng San Andres sa grupo kasunod ang kanilang pagkilala nang lubusan sa kung ano ang magagawa nito para sa kanilang mga pami-pamilya. (NIÑO ACLAN)