HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Bureau of Immigration (BI) at National Bureau of Investigation (NBI) na pabilisin ang proseso ng deportasyon para sa mga dayuhan na dating nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
“Dapat magtulungan ang mga ahensiya ng gobyerno upang agad maipa-deport ang mga dayuhang POGO worker, nang sa gayon ay makatutok ang mga awtoridad sa pagtugis sa mga patuloy na sumusuway sa pagbabawal ng Pangulo,” sabi ni Gatchalian.
Ang pahayag ng senador ay kasunod ng sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na dapat amyendahan ng NBI ang patakaran nito sa pagbibigay ng clearance sa mga dayuhang POGO worker na nakatakdang ma-deport.
Ayon sa patakaran ng NBI, ang mga potensiyal na deportee ay makakukuha lamang ng NBI clearance sa pamamagitan ng pagpapakita ng kani-kanilang mga pasaporte.
Pero kinuha na ng mga dati nilang employer ang karamihan sa mga pasaporte ng mga manggagawa ng POGO, na humahantong sa pagkaantala ng kanilang deportasyon.
Binigyang-diin ni Gatchalian na dahil sa kawalan ng pasaporte, ang BI at NBI ay dapat magtatag ng iba pang paraan ng pag-verify sa pagkakakilanlan ng mga potensiyal na deportee tulad ng paggamit ng fingerprint records na kinukuha ng BI.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, mariing itinaguyod ni Gatchalian ang pagpapaalis sa lahat ng operasyon ng POGO sa bansa, na kalaunan ay humantong sa pagpataw ng pagbabawal sa mga POGO epektibo noong 31 Disyembre ng nakaraang taon.
Ang pagbabawal ay humantong sa deportasyon ng mga dayuhang manggagawa na dating nagtatrabaho samga POGO.
Ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR), nasa 3,024 dayuhang manggagawa lamang ang naipa-deport sa ngayon mula sa 30,144 dokumentadong dayuhang manggagawa ng POGO. (NIÑO ACLAN)