
TINATAYANG sa P2.7 bilyong halaga ng ilegal na droga ang nasabat ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI), PDEA Dangerous Drugs Division (DDD), Organized and Transnational Crime Division (OTCD), at Bureau of Customs (BoC) sa South Harbor, Port Area, Maynila mula Pakistan.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago nakatanggap sila ng impormasyon mula sa kanilang foreign counterparts na may paparating na malaking drug shipment sa Filipinas mula sa Karachi, Pakistan.
Agad itong ipinaalam sa Department of Justice (DOJ) at nakipag-ugnayan ang NBI sa iba pang law enforcement agency para ikasa ang operasyon.
Nang maberipika ang kargamento na idineklarang boxes of food products at Vermicelli and Custards agad binuksan ang container kung saan nakalagay ang mga kahon ng noodles kaharap ang mga sangkot sa shipment kung saan tumambad ang 404.9515 kilograms na hinihinalang shabu.
Naaresto ang mga consignee ng illegal drugs na isang Oscar Campo Berba.
Inaresto rin ang mga kasabwat na sina Kevin Lee Manuel Arrio at Richard Perlado Aguantar na kapwa Customs Broker; Karen Villaflor Sacro, Presidente ng Freight Forwarding Company, at Rey Baysa Gujilde, President ng Freight Forwarding Company, Ark Global Movers.
Binigyang-linaw ni Santiago, ang mga suspek ay naaresto batay sa kanilang papel sa plinanong pagpupuslit upang mapadali ang pagpasok ng mga ilegal na droga sa bansa. (NIÑO ACLAN)