PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
Sa pag-iingay ng mga tagahanga ni Nora Aunor, lalo lang nilang ipinakikitang ‘has been’ na nga ang idol nila.
Ang reference kasi nila lagi ng kasikatan ay ang old movies na nagawa nito at ang sinasabi nilang best actress wins from five continents (sana ginawa na nilang pito para kompleto) plus her NA. Nakaaawa na sila pero nakaiinis naman kapag nagyayabang.
Again, mga tagahanga ni Nora ang pinag-uusapan dito ha na mukhang hindi na talaga nasasaway ni bulilit.
Dahil ipalalabas na ang Mananambal movie na two years ago pa yatang natapos, may mga panawagan ang fans ni ate Guy sa mga young cast member nitong sina Bianca Umali, Kelvin Miranda, at Edgar Allan Guzman na gamitin ng mga ito ang lakas ng socmed accounts nila.
Dapat daw na ipagmalaki nila ang movie dahil nakatrabaho nila ang kanilang superstar, etc, etc..
Ang sa amin lang naman, kung may mga ganyang panawagan at pag-iingay, dapat na i-translate nila iyan sa pag-organisa ng mga block screening, paglikom ng pondo para kapag showing date na ay may pambayad sila ng paulit-ulit at makakukuha ng positive feedback o word of mouth ang madla.
Remember, hindi na first day last day ang labanan ng mga nangingitlog sa takilya sa panahong ito kundi, first screening hour, last screening hour na.
At dahil bihira na ngang makagawa ng movie si Nora, ‘yung fans niya ay minsan na rin lang gagastos ng pampanood kaya support na. Malay ninyo, makarating na sa pitong continents ang pagka-aktres niya.