KINASTIGO ni Senate committee on public services chairman Raffy Tulfo si Angkas CEO George Royeca sa aniya’y unjust dismissal ng mga non-professional riders mula sa kanilang platform.
Hindi nagustohan ng senador ang biglaang pagsibak sa 100 non-professional riders ng Angkas sa pagtatapos ng Disyembre 2024 sa kabila ng pangakong tutulungan silang maisaayos ang professional rider status nila.
Sinita ni Tulfo ang Angkas dahil hindi tinulungan ang mga non-professional riders hanggang masibak dahil hindi naging professional ang kanilang lisensiyang non-pro.
Binigyang-diin ng senador na simula pa noong Marso ng nakaraang taon na nakatanggap ng show cause order ang Angkas ay hindi ginawan ng paraan ang kanilang mga rider hanggang tuluyang tanggalin sa platform noong Disyembre.
Ipinaliwanag ni Royeca na pinayagan nilang bumiyahe ang kanilang non-professional drivers para sa kanilang deliveries at sumailalim sa dalawang buwang training at assessment para mai-convert sila bilang professional license holders.
Ngunit nitong Disyembre ay nakatanggap sila ng mga report na nagsasakay ng mga pasahero ang mga rider na paglabag sa Republic Act 4136 na dapat professional driver’s license ang hawak ng mga rider.
Inamin ni Royeca na nagkaroon ng clerical mistake sa kanilang platform dahil bago ang programa kaya’t nakipag-partner na sila sa LTO para mai-convert ang kanilang mga rider bilang professional license holders. (NIÑO ACLAN)