PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
BONGGA si Bituin Escalante ha.
Bilang isang singer ay wala na siyang dapat na patunayan pa pero naging napakalaking challenge sa kanya ang Isang Himala dahil talagang ini-aarte niya ang bawat letra na kinakanta niya.
“Iba ang approach, iba ang awrahan kumbaga. ‘Yun bang ‘pag magkaroon ka ng flats o sharp sa tono mo at bitaw mo, mag-iiba ang reaksiyon ng mukha mo dahil alam mong may namali or what. Napaka-challenging,” sagot ni Bituin sa amin.
Ginagampanan ni Bituin ang role ng nanay ni Elsa (Aicelle Santos) na sa 1982 movie version ay ginampanan ni Vangie Labalan at nagbigay daan nga sa character actress na makilala sa showbiz.
“Tall order po. Nakahihiyang maikompara sa isang mahusay na character and veteran actress like tita Vangie. Basta this is an exciting project for all of us. Sa akin, masaya na ako na sa tanang buhay ko ay may nagawa akong ganito,” dagdag pa ni Bituin.
Ang Isang Himala ang nag-iisang musical movie na entry sa 50th anniversary ng MMFF.
Sa direksiyon ni Pepe Diokno, handog ito ng Unitel Films sa mga mahihilig sa musikal, teatro, mga kantahang kakaiba at isang obra na kering-keri na ilaban sa international film festivals.