MA at PA
ni Rommel Placente
SI John Arcenas ang gumaganap na April Boy Regino sa biopic ng namayapang singer titled IDOL: The April Boy Regino Story, mula sa Premiere WaterPlus Productions ni Marynette Gamboa at sa direksiyon ni Efren Reyes Jr..
In fairness, baguhan pa lang sa larangan ng pag-arte si John, pero ang husay niya sa pelikula. Ramdam na ramdam namin ang emosyon niya noong nagkasakit ng malala at nabulag.
Ikinuwento ni John na noong nagsu-shoot sila ng IDOL ay sinaniban siya ni April Boy.
“Alam n’yo po, may kuwento po ako. Nag-shoot po kami sa mismong bahay ni April Boy Regino sa Marikina po. Sa mismong kuwarto niya po, roon po kami nag-shoot,” simulang pagbabahagi ng aktor.
Dagdag niya, “Tapos, may isang eksena po roon na pinasuot po sa akin ‘yung totoong damit ni April Boy Regino.
“So habang sinu-shoot po ‘yon, talagang kinikilabutan ako. Nilalamig po talaga ako literal. And ‘yun po, sabi po niyong kasama po namin na aktres, si Tita Irene Celebre, na hindi niya nakikita si John Arcenas.
“Kita lang niya mismo si April Boy Regino, and kinikilabutan siya,” aniya pa.
Mga damit din daw talaga ng OPM legend ang ginamit ni John sa movie at sukat na sukat ang mga ito sa kanya.
Isasali sana ang IDOL: The April Boy Regino Story sa 50th Metro Manila Film Festival pero hindi ito pinalad mapili.
“Sa akin po, okay naman po kung saan po mapunta ‘yung pelikula,” reaksiyon ni John.
“Kasi siyempre unang-una sa lahat, ipinasa-Diyos ko na kung saan mapunta, talagang naniniwala po akong may plano,” aniya pa.
Pero aminado ang alaga ng aming kaibigang si Tyrone Escalante na kahit paano ay nalungkot siya sa hindi pagkakapili ng kanilang pelikula sa MMFF 2024.
Sa tanong kung ano ang pinakamahirap na eksena ni John sa IDOL, ang sagot niya, “Ang pinaka-challenging na eksena po sa akin dito is ‘yung nagalit siya sa Diyos.
“Nagkasakit na po siya, kasi grabe po ‘yung sakit niya eh, tatlong sakit ‘yung nakuha niya, very, very emotional.
“Tapos, ‘yung preparation ko rin po roon, nag-workshop po ako, nag-personal workshop pa rin po ako para gusto ko pong ma-achieve kung ano ‘yung gustong sabihin niyong eksena.”
Si Kate Yalung ang gumaganap na asawa ni John sa pelikiula bilang si Madelyn Regino.
Si April Boy ay sumikat noong 1990 at sumakabilang-buhay noong 2020, sa edad na 59, dahil sa sakit na Acute Respiratory Disease- Kidney Disease Stage 5.
Showing na sa Wednesday, November 27 ang IDOL: The April Boy Regino Story.