MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng siling labuyo at iba pang produktong agrikultural sa merkado bunsod ng mga nagdaang bagyo.
Ito ang iginiit ni dating Senador Kiko Pangilinan, kasabay ng panawagan sa Department of Trade and Industry (DTI) at mga lokal na pamahalaan na tiyaking naipapatupad ang price freeze sa mga lugar na naapektohan ng kalamidad.
Aniya, hindi katanggap-tanggap ang paglobo ng presyo ng siling labuyo sa P600 kada kilo dahil awtomatikong may price freeze sa mga lugar na nasa state of calamity.
“Kung hindi ito aagapan, baka bumalik na naman tayo sa dati na ang halaga ng sili ay parang ginto, na umabot pa sa P700 kada kilo,” wika ni Pangilinan.
Kung kakulangan sa supply ang problema, dapat silipin ng Department of Agriculture (DA) ang puno’t dulo nito upang magawan ng agarang pagkilos.
“Hindi rin natin dapat isantabi ang posibilidad na may nagmamanipula ng presyo ng sili at nais magsamantala, lalo pa’t malapit na ang Pasko,” sabi ni Pangilinan. (NIÑO ACLAN)