PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
MAY panawagan naman ang ilang mga kaibigan natin sa Japan.
Ayon sa survey ng isang booking platform, pang-lima ang Japan sa mga paboritong puntahan ng mga Filipinong turista.
Ramdam ng mga turista na ligtas sila, ngunit tulad ng ibang bansa, hindi perpekto ang Japan.
Ang grupong Pinoys Everywhere na samahan ng mga manggagawang Filipino sa Tokyo ay may babala sa mga turistang Pinoy.
“Mag-ingat sana sila sa mga taxi na may puting plaka na kung tawagin sa Japan ay shirotaku. Mga turista ang madalas nabibiktima,” payo ng presidente ng grupo na si Jed dela Vega.
Ayon kay Dela Vega, ang mga legal na taxi sa Japan ay may luntian o kulay berde na plaka.
“Kung puti ang plaka, hindi awtorisado ito na pang-negosyo,” payo ni Dela Vega.
“Halimbawang may aksidente, walang insurance ang pasahero. Maaari pa na madamay sa imbestigasyon kung sakaling may krimen.”
Noong Pebrero, iniulat sa Japan na may mga Hapon at Intsik na nahuli na may negosyong ilegal na taxi service sa Haneda Airport.
Gumagamit sila ng reservation website at app para mangontrata ng turista na nais makatipid.
“Natural na pera lamang ang gusto nila,” sabi ni Dela Vega.
Payo ni Dela Vega, tumawag sa Metropolitan Police Department Traffic Investigation Division sa numerong 03-3581-4321 kung sakali mang magka-problema sa ilegal na taxi.
“Gusto naming maging masaya at matiwasay ang pagbisita ng mga Filipino sa Japan,” ani Dela Vega.
O hayan, doble at dagdag ingat po tayo ha, lalo na ‘yung mga kababayan nating nagbabalak mag-tour sa Japan.