KABILANG sa mga maagap na naghain ng certificate of nomination and acceptance (CONA) at certificate of candidancy (COC) ang AGAP Partylist na mayroong 10 nominees sa Commission on Elections (Comelec), The Tent ng Manila Hotel, kahapon, 1 Oktubre 2024.
Pinangunahan ni Representative Nicanor “Nikki” Briones, katuwang ang kanyang lima pang nominado sa pagsusumite ng kanilang COC.
Sinabi ni Briones, kabilang sa mga nominee ang pitong sektor sa agrikultura tulad ng Pork Producers Federation of the Philippines, Batangas Egg Producers Federation, Cavite Livestock Poultry Association, Fisherfolks na kasama rin sa advisory group.
Kasama sa matagal nang ipinaglalaban ng AGAP Partylist ang mga guwardiya na mayroon silang 10 security agencies.
Aniya, batid nila ang pangangailangan ng mga guwardiya kaya isinama nila sa mga nominee ang presidente ng security agency.
Nagpapasalamat ang AGAP Partylist sa suporta ng kanilang mga kasama sa grupo at umaasang mananatili sila sa puwesto sa Kamara upang matutukan ang kapapasang batas na si Briones ang principal sponsor at awtor, ang “Anti-Agricultural Economic Sabotage Act” na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Panawagan ng AGAP Partylist kay Pangulong Marcos, sana’y magdeklara na ng “state of emergency and calamity” upang magkaroon ng dagdag na calamity fund ang national at local government units (LGUs) para sa bakuna laban sa African Swine Flu (ASF) upang mabigyan ng libreng bakuna ang mga backyard raisers. Hangad ng mga magbababoy na maging commercial use na ang AVAC vaccine.
Ayon kay Briones, ang agricultural sector ang nagtayo ng AGAP, na saklaw ang magsasaka, magbababoy, magmamanok, mag-iitlog, mangingisda, at iba pa sa aqua culture industry.
Sinabi ni Rep. Briones na ipagpapatuloy ng AGAP Partylist ang kanilang pakikipaglaban upang matulungan ang mga sektor ng mangingisda, magbababoy, at maggugulay.
Nais maseguro ni Briones, na magiging maunlad ang mga magsasaka at mangingisda para magkaroon ng mura at kalidad na pagkain ang mga Filipino.
Kaya hiling ni congressman Briones, na sana muling tangkilikin ang AGAP Partylist. (NIÑO ACLAN)