SINUGOD ng tanggapan ng City Health Office ng Muntinlupa sa pangunguna ni City Health Officer-In- Charge, Dr. Juancho Bunyi ang The Levels Condominium na pag-aaari ng Filinvest matapos makatanggap ng reklamo mula sa isang residente na mayroong halong dumi ng tao ang supply na tubig na kaniyang ginamit na pampaligo at pangsepilyo ng ngipin.
Batay sa reklamo ni Monalie Dizon, residente sa naturang condominium, noong Abril ng nakaraang taon ay nakaranas sila ng maruming supply ng tubig ngunit nitong Hulyo ay hindi niya nakayanan ang maruming tubig na tila may halong dumi ng tao kung kaya’t napilitan siang maghain ng reklamo sa City health Office.
Ayon kay Dizon, sa kabila ng paulit-ulit nilang reklamo sa management ng condominium ay tila binabalewala nito at nakaranas pang sigawan ng isa sa mga officer.
Sinabi ni Dizon na matapos siyang makaranas ng naturang supply ng tubig ay hindi na siya pinansin ng management ng condominium kaya ipinasuri niya ang supply ng tubig sa Mach Union Laboratories Inc., upang alamin kung ligtas pa bang gamitin o hindi ang tubig mula sa gripo.
At batay sa resulta ng Pagsusuri, lumalabas na positibo sa coliforms bacteria ang tubig dahilan upang mangamba ang mga residente at hingin ang atensiyon ng City health office.
Ayon kay Dr. Bunyi, ang isang tubig na mayroong taglay na coliforms ay lubhang mapanganib sa kalusugan ng tao dahil ito ay magdudulot ng sakit na diarrhea, amoebiasis, pagsusuka, at iba pang uri ng sakit ng tiyan na sa huli ay maaaring mauwi sa kamatayan lalo na kapag nauwi sa dehydration.
Dahil sa reklamo, agad na nagsagawa ng water sample test ang City Health upang makompirma ang reklamo ni Dizon.
Tiniyak ni Dr. Bunyi, sa loob ng tatlo hanggang limang araw ay lalabas ang resulta ng kanilang pagsusuri sa tubig.
Tiniyak ni Bunyi, sa sandaling magpositibo ang resulta sa kahit anong bakterya ay agad silang gagawa ng aksiyon at uutusan ang management ng gusali para gumawa ng mga hakbang sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga resisdente.
Sa panayam kay JK Enrique, condominium engineer, inamin nitong walang filter ang gusali kung kaya’t malayang pumapasok ang supply ng tubig sa gusali mula sa kanilang supplier.
Hiningan ng pahayag ang mga opisyal ng gusali ngunit tumangging magbigay at ipinangakong maglalabas ng official na pahayag ang management.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pa rin inilalabas na pahayag ang management ng The Levels condominium. (NIÑO ACLAN)