MA at PA
ni Rommel Placente
NOONG nakaraang Huwebes, opisyal na inilunsad si Jennylyn Mercado bilang endorser ng newest facial care ng Beautederm na Threemendous TRIO serums, ang Cristaux Vitamin C, Cristaux Hydra Beauty at Cristaux Retinol.
Si Rhea Anicoche Tan, President/CEO ng Beautederm ay kilala naman natin na talagang ini-spoil ang kanyang mga ambassador at laging binibigyan ng mamahaling regalo.
Si Jen, bilang bagong dagdag sa pamilya ng Beautederm, ay binigyan lang naman ni Miss Rhea ng diamond tennis bracelet at Hermes bag na ikinawindang ng aktres. Kaya naman labis-labis ang pasasalamat ni Jen sa pagmamahal at pagtitiwala sa kanya ng skin care magnet.
Very happy din si Jen sa mga blessing na dumarating sa kanya lately. Aside from this new endorsement, kabubukas lang nila ng mister niyang si Dennis Trillo ng production company, ang Brightburn Productions, kasabay ng pagpapagawa ng kanilang dream house.
Samantala, nilinaw ni Jen na walang katotohanan na lilipat na siya sa ABS-CBN, gaya ng mga lumalabas na balita.