POSIBLENG mabuksan at magamit ang kauna-unahang Nuclear Power Plant sa Filipinas pagsapit ng taong 2032.
Ito ang sinabi ng Department of Energy (DOE) kasunod ng patuloy na pagtaas ng demand sa enerhiya ng bawat sambahayan at tumataas din na singil sa koryente.
Ayon kay Energy Assistant secretary Mario Marasigan, pinipilit nilang matugunan ang compliance sa 19 infrastructure requirement na itinakda ng International Atomic Energy Agency (IAEA).
Aniya, kapag tuluyan nang nakapag-comply ang Filipinas sa mga naturang requirements ay maaari nang maitayo ang first nuclear power facility sa bansa.
Una nang sinabi ng DOE na may ilan nang planta ang nakalinya para palitan dahil sa pagpalya nito na isa sa naging dahilan ng pagnipis ng supply ng enerhiya sa Luzon at Visayas grid.
Kasunod nito, nagbabala ang ahensiya at ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa penalty ng mga plantang may non-compliance hinggil sa mga power outage na nararanasan sa ibang lugar sa bansa. (NIÑO ACLAN)