PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
GAANO kaya ka-true ang tsismis na umano’y nag-resign ang isang kilalang direktor sa series na kanyang pinasikat (on-going pa) dahil hindi na umano nito matagalan ang sobrang pagiging “komersiyal” ng production.
Lahat na lang daw kasi ng klase ng mga products and services na ini-endorse ng mga artistang kasama sa series, lalo na ‘yung dalawang main leads, ay pinipilit laging maisingit sa mga eksena.
Mula sa shampoo, sabon, toothpaste, restaurant, appliances at marami pang iba ay gusto laging binibigyan ng “close up” shots dahil bahagi raw iyon ng deal ng show, mereseng wala naman itong kinalaman sa itinatakbo ng kuwento.
Noong una raw ay okey pa dahil nagagawan ng paraan ng magagaling na camera men at kahit paano ay nakukonek sa takbo ng script, pero nang lumala na nagmumukha na tuloy omnibus TV ad dahil nakaaagaw na ito ng pansin.
Ay, wa na clues. Uso naman iyan kahit sa mga movie o mga live show na may mga sponsor. Pero gets din naman namin ang ‘artistic talent’ ni direk na naiinsulto marahil sa dikta ng marketing ng production nila.