MA at PA
ni Rommel Placente
BALIK-SITCOM si Maricel Soriano kasama ang itinuturing niyang parang tunay na mga kapatid, ang Quizon brothers na sina Eric, Epy, Vandolp, at Boy 2 Quizon.
Ani Maricel tinanggap niya ang sitcom, “Eh kasi nga, kasama ko sila (Quizon brothers). Gusto ko silang kasama. Wala akong choice, kasi mga kapatid ko sila,” ang natatawang sabi ni Maricel.
“Lagi kaming may mga pinag-uusapan. Pero hindi nawawala ‘yung pagkain,” ang natatawang sabi uli ng award-winning actress.
Kilala si Maricel bilang mahusay sa drama at mahusay ding magpatawa. Pero kung papipiliin, mas gusto niyang gumawa ng sitcom o comedy film.
“Masaya kasi sa comedy,” katwiran ng Diamond Star.
Sinabi naman ni Eric na ang kanilang sitcom ay, “May reference talaga sa coffee. Kumbaga, ang istorya nito, ‘yung tatay namin, si Don Julio Liberica, ‘yung pinaka-unang nagbenta niyon sa tunay na buhay.
“It is also a situational comedy. Actually, noong una, kami lang apat ang alam kong magkakapatid, tapos nalaman namin, si Vandolp kapatid din namin, na itinago,” kuwento pa ni Maricel.
Ayon pa kay Eric, may aral na mapupulot ang televiewers sa kanilang sitcom.
“Mga magkakapatid kami and we have our differences, kumbaga, mayroon kaming mga kanya-kanyang pag-iisip, kanya-kanyang pag-uugali, kanya-kanyang gusto. Minsan hindi kami nagkakasundo-sundo, pero ang pagiging pamilya at kapatid, ‘yun ang mananaig sa amin.”