MA at PA
ni Rommel Placente
SA media conference ng public service program na Dear SV Season 2, hosted by Sam Verzosa, tinanong siya kung anong istorya sa mga natulungan niya sa kanyang show ang talagang tumatak sa puso niya at kung anong natutunan niya mula rito. Sagot niya, “Halos lahat ng story eh, talagang tumatak sa puso ko, maraming realizations.
“It’s a very humbling experience kasi nakakasama ko sila sa araw-araw nilang buhay, nakikita ko ‘yung pamumuhay nila, ‘yung mga problema nila.
“Pero ‘yung talagang memorable, una si lola Feleng, na isang pedicab driver. Na kahit matanda na siya, naghahanap-buhay pa rin. Pero ang nakai-inspire for me, napakaganda ng outlook niya sa buhay. Nag-i-enjoy siya sa pagtatrabaho niya. At sabi niya, wala siyang tinatapakang iba, wala siyang kinululit na ibang pamilya. Siya ay nagsusumikap para sa sarili niya. Kaya isa ‘yun sa mga naka-inspire sa akin.
“Isa pa ‘yung kuwento ni Rolando na may anak na may celebral palsy, na 20 years niyang inaalagaan. Ang dami niyang trabaho, nagbebenta ng balot, nagbebenta ng gulay. Buong araw, sinamahan ko po siya, simula madaling-araw, namalengke kami, nagbenta kami ng isda. Nagbigay ako ng tulong na tindahan sa kanya, hanggang pati tulong sa kanyang anak.
“At may isa pa, si Ronnie, isang delivery driver. Nagba-bike lang siya. Pero binigyan namin siya ng motor. Ngayon, delivery rider na siya ng Angkas.
“So by giving those kinds of help, napu-pulfill ‘yung advocacy ng programa. Na hindi lang panandalian ‘yung tulong, pero sustainable, matagal.
“Kaya memorable ‘yung mga ‘yun, kasi nangyari ‘yung shoot, habang nakaburol ‘yung papa ko. Pinapa-cansel sa akin sana ng team ‘yung shoot kaso sabi ko, naghihintay sila (‘yung mga tutulungan).
“Sabi ko, itutuloy ko, kasi sa tingin ko, ‘yun din ang gustong mangyari ng papa ko.”
Ang pagiging matulungin kasi ni Sam ay namana niya sa namayapa niyang ama, na sobrang matulungin din sa kapwa. Ang papa niya ang naging inspirasyon niya para tumulong sa mga nangangailangan.
Ang Dear SV ay napapanood tuwing Sabado sa GMA 7, 11:30 p.m..