MA at PA
ni Rommel Placente
SA guesting ni Maricel Soriano sa YouTube channel ni Aiko Melendez, tinanong ng huli ang una, kung ano ang pinaka-paborito nitong pelikula sa dami ng mga nagawa?
Sagot ni Maricel, “Una, ‘yung ‘Kaya Kong Abutin ang Langit.’ ‘Yung ‘ayoko ng putik’ (dialogue ni Maricel sa isa sa mga eksena niya sa pelikula).Tapos, gusto ko rin ‘yung ‘Dahas’ with Chito Rono (direktor ng pelikula na kapareha niya si Richard Gomez). Gusto ko rin ‘yung pelikula kong ‘Abandonada’ with Joel Lamangan.”
Sa Abandonada, ay nakasama ni Maricel ang ex-husband niyang si Edu Manzano with Angelu de Leon.
Ang isa pa sa binanggit ni Maricel na paborito niya ay ‘yung Filipinas, na nakasama niya si Aiko. Gumanap sila bilang magkapatid.
“Oo ‘Nay, ang galing-galing mo roon. Grabe! Ikinuwento ko rin sa vlog mo ‘yung eksena na lahat kami namangha sa ‘yo, dahil tuhog ‘yung eksena na napakahaba na ‘yun. Only you can do that,’ Nay,” sabi ni Aiko kay Maricel.
Mapagpakumbaba namang reaksiyon ni Maricel, “Hindi naman! Lahat din naman kayo roon magagaling, ‘no!”
Ang Filipinas ay isa sa naging entry sa Metro Manila Film Festival 2003. At talagang mahusay doon si Maricel. In fact, siya ang itinanghal na Best Actress sa Gabi ng Parangal ng MMFF.
Ito ‘yung pelikula na may dialogue si Maricel na, “Walang Bagong Taon! Walang magbabago sa pamilyang ito! Wala!”
Nagbalik-tanaw naman si Aiko noong mga panahong tinalikuran pansamantala ni Maricel ang showbiz. Na ayon kay Maricel, ang dahilan ay ang pagkawala ng pinakamamahal niyang ina, si Mommy Linda, na itinuturing niyang Wonder Woman ng kanyang buhay.
“Ang hirap Aiko. Ang hirap mawalan ng isang ina,” ang malungkot na sabi ni Maricel.