MA at PA
ni Rommel Placente
SI Jhassy Busran ang pangunahing bida sa pelikulang Unspoken Letters, na gumaganap siya bilang si Felipa, isang special child.
“Noong nabasa ko ‘yung script, doon ko po na-realize na kaya ‘Unspoken Letter’ kasi may mga bagay tayong kinikimkim sa sarili, na hindi natin sinasabi sa pamilya natin.
“So ‘yun ‘yung pagkakaintindi ko. Okey, ‘Unspoken Letter,’ hindi nila nasasabi ‘yung tunay nilang nararamdaman. So parang napapangunahan sila ng galit nila, na hindi nila nalalaman kung ano ba ‘yung tunay na nangyayari. And ayun, parang ang laki na ng pain na hawak mo hanggang sa pagtanda mo, na hindi mo alam na parang nakaano (nakatago) lang sa puso mo, ‘yung bigat niya, nandoon lang, na kinikimkim mo.
“So, ‘pag naiinis ka or what, sabihin mo, para wala kang hahawakang sakit hanggang sa pagtanda mo,” sabi ni Jhassy tungkol sa kanilang pelikula.
Aminado naman ang talented young actress na noon, kapag may galit o inis siya sa isang tao, kinikimkim niya lang, hindi niya sinasabi.
“Pero ngayon po sinasabi ko na. Ma-offend man sila, at least nasabi ko ‘yung tunay kong nararamdaman, kung galit ba ako.”
Kasama sa pelikula si Gladys Reyes at may eksena rito na sinampal niya si Jhassy.
“‘Yung eksena po namin na sinampal ako ni Miss Gladys, ang isa sa pinaka-memorable scene ko sa ‘Unspoken Letter.’ Kahit namanhid po ‘yung pisngi ko dahil sa sampal niya, sobrang saya po at nangibabaw ‘yung proud ako sa sarili ko, na nasampal ako ni Miss Gladys,” anang batang aktres.
Aside sa mga artistang nakasama niya sa Unspoken Letters, sino pa ba ang mga gusto niyang makatrabaho?
“Marami po like si Miss Jaclyn Jose, Miss Sylvia Sanchez, Miss Lorna Tolentino at si Miss Maricel Soraino,” sagot ni Jhassy.
“Kasi bukod sa ang tagal na po nila sa industriya, versatile actors pa sila. Alam kong kapag nakatrabaho ko sila o nakasama, marami akong aral na mapupulot sa kanila, lalo na sa larangang (showbiz)ito, at hindi lang sa larangang ito, kundi pati na rin sa buhay mismo.”
Sa tanong naman kung sino ang gusto niyang maka-loveteam, ang mabilis niyang sagot na natatawa, “Kung mabibigyan po ako ng chance, ang gusto ko po, si Elijah Canlas. Kasi ang galing-galing po niyang umarte.
“Actually, he is one of my celebrity crushes din po,” aniya pa.
Showing na sa December 13 ang Unspoken Letters mula sa Outmost Creatives.