IBANG klase talaga ang karisma ni Richard Gutierrez. Matapos tangkilikin at abangan ang action primetime serye niyang The Iron Heart, heto’t patok na patok naman ito sa Indonesian viewers na kasalukuyang napapanood ang Bahasa Indonesian-dubbed version nito na pinamagatang Apollo sa free TV channel na ANTV.
Pinuri ng Indonesian audiences ang kabuuang kalidad nito—mula sa istorya, all-star cast, at sa maaaksiyon nitong eksena na kayang makipagsabayan sa ibang international action drama.
“The show gets more exciting! Thank you, ANTV, for bringing ‘Apollo’ to us. Hoping for more Filipino shows in the future,” komento ng isang Indonesian netizen.
Dahil din sa mainit na pagtanggap sa The Iron Heart, inaraw-araw na ng ANTV ang pag-ere nito mula sa nakasanayang weekday airing schedule. Ilang masusugid na manonood ang natuwa sa naging anunsiyo.
“Thank you for airing ‘Apollo’ daily! Now, my family and I can watch our favorite show every day,” wika ng isa pang netizen.
Maliban sa patuloy nitong pag-arangkada sa Indonesia, naging usap-usapan din sa ‘Pinas ang pagtatapos ng The Iron Heart kamakailan dahil sa pagti-trend nito sa social media at humakot ng 437,535 concurrent views sa Kapamilya Online Live sa YouTube.
Patunay lamang na tinatangkilik saan mang sulok ng mundo ang mga programa ng ABS-CBN, na nakapagbenta ng mahigit 50,000 hours ng content sa 50 bansa sa Asya, Africa, Europa, at Latin America.