MA at PA
ni Rommel Placente
DALAWANG okasyon ang naganap sa buhay ni Mommy Merly Peregrino noong Saturday, October 7. Ito ay ang pagdiriwang niya ng kanyang ika-68 kaarawan, at ang ikalawa, ay ang pagpirma sa kanya ng 5-year management contract ng WCOPA champion na si Ram Castillo.
Si Ram ay nag-champion last year sa WCOPA para sa dalawang categories, sa Latin at Opera.
May pangako si Ram kay Mommy Merly ngayong ito na ang humahawak sa kanyang career.
“Ipinapangako ko po sa kanya na hindi ko siya paiiyakin at hindi sasakit ang ulo niya sa akin,” sabi ni Ram.
Kaya naman ganoon ang message ni Ram kay mommy Merly dahil aware siya na nagkaroon dati ng ito alaga, pero iniwan ito sa kabila ng lahat ng naitulong niya.
Naiyak naman si mommy Merly sa naging message sa kanya ni Ram.
“Sa dami ng mga…naubos na siguro ‘yung luha ko. Siguro ibinigay sa amin ni Lord si Ram para makapagpasaya sa TAK community. Sabi ko nga, kung ano man ‘yung mga nangyayari, ‘yun ay kaloob ng Diyos. At siguro kaya nangyari dahil may reason si Lord.
“At sana, wala itong kompetisyon. At hindi ako marunong makipag-compete kahit kanino. Basta gagawin ko ang lahat para kay Ram,” sabi ni mommy Merly.
Sa pakikipag-usap namin kay Ram, ikinuwento niya kung paano siya nagsimula bilang isang singer.
Sabi niya, “Bale kumakanta na talaga ako sa lugar namin, sa Zamboanga City po. Bale ako na talaga ang nagre-represent (sa mga singing contest na sinasalihan niya) sa lugar namin. Hanggang may audition sa Davao para sa WCOPA, nag-audition po ako, napili ako, ayun tuloy-tuloy na.”
Nang magkaroon dati ng audition sa singing competition ng GMA 7 na The Clash sa Davao, ay nag-audition si Ram. Pero hindi siya ang pinalad na mapili para dalhin sa Manila at lumaban.
“’Yung story kasi ng buhay ko, mas maganda ‘yung story ng buhay niyong ipinadala.”
Pero kahit bigo sa pagsali sa The Clash, hindi pa rin tumigil sa pagsali sa mga singing contest si Ram. Nang magkaroon ng auditon para naman sa Idol Philippines ng ABS-CBN 2, ay sinabukan niya ring mag-audition, pero hindi rin siya pinalad na mapili.
“Nakapasok ako hanggang sa interview. Sinabi sa akin na maghintay lang ako ng tawag. Pero wala po akong natanggap na tawag,” kuwento ni Ram.
Pero hindi pa rin nawalan ng pag-asa si Ram. Sinubukan nga niya ang kapalaran sa WCOPOA at ayun, dito pala siya mapipili.
At least sa isang international singing competition pa siya pumasa, at nagawa pa nga niyang mag-uwi ng karangalan sa ating bansa, dahil sa pagkapanalo niya sa dalawang categories, ‘di ba?