MA at PA
ni Rommel Placente
ISANG malaking tagumpay ang Red Carpet Celebrity Screening ng Japanese film na Monster.
Siyempre, present doon ang distributors ng pelikula sa ‘Pinas na sina Lorna Tolentino at mag-inang Sylvia Sanchez at Ria Atayde ng Nathan Studios.
Dumalo rin sa event ang mga celebrity friends nila na sina Bayani Agbayani, MC Muah, Alma Concepcion, Ynez Veneracion, Mon Confiado, JK Labajo,Ara Mina, Angel Aquino, at Ogie Diaz.
Present din doon ang mister ni Ibyang na si Papa Art Atayde at kanilang dalawa pang anak na sina Gela at Xavi. Naroon din ang publicist ni Ibyang na si Chuck Gomez.
In fairness, ang ganda ng istorya ng Monster. Naiyak kami while watching it, ganoon din sina Ibyang, Ria, at LT. Dinurog ng pelikula ang mga puso namin.
Umiikot ang istorya ng Monster sa isang pamilya na humaharap sa pagsubok laban sa pambu-bully at isinusulong nito ang kahalagahan ng malusog na pag-iisip o ng mental health.
Sabi ni Sylvia tungkol sa Monster,” Isa na ito sa pinaka-magandang mga pelikula na napanood ko. Mapapa-isip ka talaga kung sino ba talaga ang monster.”
Ipinaliwanag naman ni Sylvia kung ano ang goal ng Nathan Studios sa pagpo-produce ng mga pelikula.
“Maraming nagtatanong kung ano ba ang goal ng Nathan Studios sa pagpo-produce ng pelikula. Ang goal po namin is mag-produce ng sarili nating pelikula rito sa Pilipinas, kasi naniniwala ang Nathan Studios na maraming magagaling na mga aktor na hindi nabibigyan ng chance. Gusto naming i-showcase abroad ang mga aktor na ‘yun. At the same time, pipili rin kami ng mga pelikula sa ibang bansa na alam namin na tatanggapin o tatangkilikin ng mga Pinoy gaya nga po nitong ‘Monster,’”aniya pa.
Showing na sa October 11 ang Monster in all cinemas nationwide.