OPISYAL nang pinalitan nitong linggo ang pangalan ng Roosevelt Station ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) sa Quezon City, at ipinangalan na ito sa yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr. (FPJ).
Ang ceremonial unveiling ng bagong signage ng estasyon ay isinagawa kahapon, sa pangunguna mismo si Senator Grace Poe, ang adopted daughter ni FPJ.
Sa kanyang mensahe para sa okasyon, nagpasalamat siya dahil sa ngayon ay nabibigyan na ng kahalagahan ang kontribusyon ng mga artistang Pinoy sa bansa.
“Ang mga artista sa ating lipunan, ngayon na lang kinikilala ang kontribusyon. Noon ang tingin, artista ka lang. Ngayon meron na tayong train stop. Hindi lang si FPJ ang magiging huli. Malay ninyo sa susunod, iba naman sa ating industriya,” anang senadora.
Ayon kay Sen. Poe, si FPJ ang naging simbolo ng mga mamamayan, anuman ang kanilang trabaho, na araw-araw ay nagsisipag at walang pagod na nagtatrabaho upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.
Disyembre 2021 nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11608, upang palitan ang pangalan ng Roosevelt Avenue at gawin itong Fernando Poe Jr., Avenue.
Nabatid na ang Roosevelt Avenue, nasa first legislative district ng Quezon City, ay ang kinaroroonan ng ancestral residence ni FPJ, kung saan niya ginugol ang kanyang kabataan.
Ang LRT-1 ang nagdurugtong sa FPJ Station sa Quezon City hanggang sa Baclaran Station sa Parañaque City.
Ang nasabing estasyon ay pasinayaan nina Senadora Grace Poe, Senador Lito Lapid, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Cong. Arjo Atayde, at Direk Coco Martin ng Batang Quiapo.
Si Senador Lapid ang awtor at si Senador Sotto ang nag-sponsor ng FPJ avenue law o ang Republic Act No. 11608.
Sa ambush interview, sinabi ni Lapid, hindi nya matatawaran ang naiambag ni FPJ sa industriya ng pelikula at sa bansa.
Binanggit ni Lapid, ang kanyang ama ay stuntman noon ni FPJ hanggang kunin rin siyang stuntman ni Da King.
Palaging sinasabi ng Senador, “walang Senador Lapid kung walang FPJ na nag-aruga at nagbigay ng break sa kanyang karera sa showbiz. (ALMAR DANGUILAN / NIÑO ACLAN)