HINILING nina Senador Raffy Tulfo at Senador Grace Poe sa senado na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa paglubog ng Princess Aya sa Binangonan, Rizal noong 27 Hulyo na ikinamatay ng 27 pasahero.
Sa magkahiwalay na resolusyong inihain nina Poe at Tulfo, bilang 704 at 705, nais nilang matukoy kung sino ang talagang mayroong pagkukulang at pananagutan sa naturang insidente.
Ngunit sa resolusyon ni Tulfo, nais niyang kasuhan ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) dahil sa kapalpakan na nagresulta sa trahedya.
Bukod sa mga opisyal ng PCG at MARINA, gusto ni Tulfo na makasuhan ang kanilang superior sa ilalim ng command responsibility. Aniya, ang madalas na nakakasuhan ay mga tripulante ng bangka.
Naniniwala si Poe, dahil sa insidenteng ito ay panahon na upang pansinin ang matagal na niyang sinusulong na National Transport Safety Board.
Matatandaang 30 pasahero ang maximum capacity ng lumubog na bangkang Princess Aya pero ito ay pinayagang maglayag ng PCG na may sakay na halos 70 katao ang pasahero at walang sapat na life vest para sa lahat ng lulan nito, dagdag pa rito ang masamang lagay ng panahon.
Tulad ni Poe, nais ni Tulfo na matukoy kung pumalpak ang MARINA sa pag-inspeksiyon sa “seaworthiness” ng Princess Aya bago bigyan ng “Passenger Ship Certificate (PSSC)” na ngayon ay suspendido na.
Sa pakikipag-usap sa isang sea expert, napag-alaman ni Tulfo na ang katig umano ng Princess Aya ay hindi designed para masuportahan ang mahigit 30 pasahero.
Kaya sinabi ni Tulfo, sa susunod, kailangan ng MARINA, kasama ang isang marine engineer, na masusing inspeksiyonin ang lahat ng mga bangka na nirerentahan o ginagamit para sa pampublikong transportasyon sa tubig bago mag-isyu ng permit to operate.
Samantala, sa paghahain ng Senate Resolution No. 705, gusto ni Tulfo na imbestigahan ang lahat ng salik na sanhi ng pagtaob ng Princess Aya at tukuyin ang mga lapses sa safety protocols o kapabayaan ng PCG, MARINA at iba pang kinauukulang indibidwal at ahensiya.
Kailangan din umanong rebyuhin ang kasalukuyang batas at regulations tungkol sa maritime safety.
Pinakaimportante sa lahat, sabi ni Tulfo, ay magamit ang imbestigasyon para makasuhan at makulong ang pabayang opisyal ng PCG at MARINA.
(NIÑO ACLAN)