MA at PA
ni Rommel Placente
NAGING matagumpay ang pagbabalik ng The Manila Film Festival (TMFF) nitong nagdaang Biyernes, June 15, sa SM City Manila.
Ang opening at premiere night ng mga kalahok sa TMFF 2023 ay dinaluhan nina Manila Mayor Honey Lacunaat Vice-Mayor Yul Servo.
Ang movie producer na si Edith Fider ang isa sa mga personalidad na nasa likod ng pagbabalik ng The Manila Film Festival.
Ang TMFF ay naglalayong i-promote ang mga lokal na pelikula, na uusbong ang bagong henerasyon ng mga mahuhusay at kabataang filmmakers.
Limang pelikula na binuo at pinaghirapan ng mga estudyante mula sa iba’t ibang university ang ipinalalabas ngayon sa SM City Manila na mapapanood hanggang sa June 24.
Kabilang sa mga ito ay ang psychological horror na The Uncanny directed by Kyle Abay-Abay, mula sa Colegio de San Juan de Letran starring Zyrish Quierrez, Ice Lee Genre; ang crime-thriller Unspoken na isinulat at idinirehe ni Daniella Javierto mula sa Arellano University, Pasig at pinagbibidahan nina Lara Lagdaan, David King Escio, Stephen Legaspi, at Irish Vistan.
Kasama rin dito ang comedy film na The Adventures of Kween Jhonabelle,na isinulat at idinirehe ni Carlo James Buan mula Colegio de San Juan de Letran starring Larizze Ann J. Eco, Kian Co, Samantha Faith Valdez Batula, at Stephanie Kayla L. Quitlong; ang love story with advocacy na Thanks for the Broken Heart,” directed by Cess Cruz mula sa University of The Philippines at University of Makati, starring Lance Raymundo, Gerlaine Silva, Mary Sharapova, at Oliver Lacson; at ang psychological thriller na CTRL-F-ESC directed by Justin Bobier mula sa Adamson University, starring Kych Minemoto, Sue Prado, Leilani Kate Yalung, Francheska Manalastas, Rina Napura, at James Guanlao. May cameo role rito si Manila Vice Mayor Yul Servo.
Matagal nang hindi gumagawa ng pelikula si VM Yul, kaya aminado siya na nailang at medyo nangapa siya muling pagharap niya sa harap ng camera.
“First time ko ulit umarte ngayon. Matagal nang panahon na umarte ako sa harapan ng kamera. Kaya nga ilang na ilang ako habang umaarte,” sabi ni VM Yul.
Patuloy niya, “Kahit na sabihing award-winning ka, para kang lapis na pumupurol, kaya kailangan mong tasahan kapag gagamitin mo na. Kaya rito, nabigla ako, buti na lang magaling naman ‘yung direktor at production, kahit mga bata sila. Sabi ko nga kanila, ‘pag di nila type, ok lang na ulitin natin.
“Mukhang okay naman sa kanila. Mabilisang trabaho lang kasi ito, pero nalampasan ko, kaya nakatutuwa naman,” aniya pa.
Ibinalita ni VM Yul, na may offer sa kanya na isang pelikula na makakasama niya uli ang National Artist na si Nora Aunor.
Kung sa unang pelikulang pinagsamahan nila na Naglalayag ay magkapareha sila, sa reunion movie nila ay gaganap naman sila bilang mag-ina.