MA at PA
ni Rommel Placente
BILANG bahagi ng pagdiriwang ng kanyang ika-20 anniversary sa music industry, magkakaroon ng concert si Sheryn Regis billed as Shery Regis All Out. Ito ay gaganapin sa July 8, 8:00 p.m. sa Music Museum.
Ayon kay Sheryn, hindi ibig sabihin na kaya All Out ang title ng kanyang concert ay dahil ipakikita niya rito ang tunay niyang identity/gender preference. Hindi raw ganoon.
Paliwanag niya, “All Out, kasi you know why? Marami akong sasabihin sa concert na ‘yan na hindi pa alam ng iba. Alam ninyo ‘yung stories of my journey?”
Ano ang aasahan ng audience sa kanyang concert?
“Well, siyempre hindi mawawala ‘yung birit.
“This is another chance for me in life after I got a thyroid cancer.
“Akala ko, hindi na ako makakakanta.
“Eto ipakikita ko sa inyo na kaya ko pa. Kayang-kaya pa talaga.”
Hindi ba niya naramdaman na bumaba ang range ng boses niya?
“Actually, parang mas tumaas pa siya.
“Noong nag-record ako ng ‘Gusto Ko Nang Bumitaw,’ ang sabi nga ni Sir Jonathan Manalo, ‘Kaya mo to! Kaya mo to.”
“Akala ko nga hindi na talaga. Pero mas tumaas pa pala (boses).”
Speaking of Gusto Ko Nang Bumitaw, kailan darating sa puntong sasabihin niya sa karelasyon niyang kapwa lesbian na si Mel de Guia na gusto niya nang bumitaw? Na suko na siya sa kanilang relasyon?
“You know what, ang buhay, hindi talaga natin masasabi kung ano ang future, noh!
“One! Let love prevails. And if you have faith in God na nandyan talaga sa sentro ng relationship ninyo, tanggalin ‘yung pride ninyo, mawawala lahat ng pupuksa sa relationship na hinahawakan ninyo.”
Makakasama ni Sheryn sa kanyang anniversary concert sina Ima Castro, MMJ Magno, Dianne dela Fuente, Miss Tres, at JMRTN of Retrospect.
Mabibili ang tickets sa ticketworld.com.ph.