NAGAGALAK na nagpasalamat sina Senador Alan Peter at Pia Cayetano nitong Martes para sa malakas na suportang ipinakita ng publiko sa unang episode ng “Cayetano in Action with Boy Abunda” (CIA with BA) na ipinalabas nitong 5 Febrero 2023.
Ang CIA with BA ang pinakabagong public service program na mapapanood sa GMA 7 tuwing Linggo ng gabi, nagbibigay ng libreng payong legal ang magkapatid na Cayetano sa mga indibidwal o pamilyang may alitan.
“We are humbled by the reception of our kababayans given our little contribution to help those who need legally-informed decisions. We are overwhelmed by all the support,” pahayag ni Cayetano nitong 7 Febrero 2023.
“Patuloy n’yo po sanang suportahan ang aming hangaring matulungan at ma-inform ang ating mga kababayang walang kakayahang humingi ng tulong sa mga tunay na may alam sa batas,” dagdag niya.
Noong premiere episode ng programa, nagbigay ng legal at emosyonal na payo ang magkapatid sa isang pamilyang nag-aaway dahil sa pakikiapid umano ng pamangkin ng isang ginang sa kanyang asawa.
Pinayohan ng magkapatid na Cayetano ang isang nanay na may sama ng loob sa asawang inuuna raw ang pinansiyal na pangangailangan ng kapatid nitong nagda-dialysis.
Positibo ang naging pagtanggap ng mga netizen sa programa, tulad ng isang YouTube user na nagsabing, “Heto mas OK ‘to, mga tunay na abogado. ‘Di tulad no’ng [iba] puro journalist na feeling abogado.”
“Ang ganda ng paliwanag. Talagang may aral at matututuhan,” sabi ng isa pang netizen.
“Keep up the good work!” sabi naman ng isang Facebook user.
Wika ni Senador Alan, sisiguradohin nilang ang mga susunod pang episode ay kapupulutan din ng aral at inspirasyon ng mga manonood.
Ang programa ay pagpapatuloy na rin sa nasimulan ng kanilang namapayapang ama na si Senator Rene Cayetano na nagbigay din ng libreng payong legal sa publiko sa pamamagitan ng kanyang programang “Compañero y Compañera” noong 1997-2001.
“Ang gusto namin ni Ate Pia at Tito Boy ay talagang mailapit sa inyo ang batas, malaman ninyo ang inyong mga karapatan, at matuto sa makukulay na kuwento ng ating mga kababayan,” pahayag ni Cayetano. (NIÑO ACLAN)