MA at PA
ni Rommel Placente
IPINAKILALA kamakailan sa entertainment press ng dating drummer ng Introvoys na si Paco Arespacochagaang protegee niya na isang singer din, si Cedric Escobar, 21. Naka-base ang binata sa New York City at doon siya kumakanta. Pero ngayon ay nasa ‘Pinas for good, para rito niya subukan ang kapalaran bilang isang singer.
“Natutunan ko po sa pagkanta ko sa America, ang sarap pong magkaroon ng market na Filipino. Kasi katulad sa Introvoys, ‘pag kasama ko po sila (sa show), mayroon silang fans na parang..nandoon kasama nila since nagsimula sila. And gusto ko po ‘yung ganoon na kapag-loyal na fan base katulad ng mga Filipino,” sabi ni Cedric nang makausap namin.
Ikinuwento ni Cedric kung paano silang nagkakilala ni Paco.
“Noong 2021 po nakasama ko sila sa ‘Introvoys US Tour nila.’ And since then, I think. po nagustuhan nila ako, so isinasama na nila ako sa ibang gigs nila.
Ano ba ang genra niya?
“Actually po I grew up singing RNB songs. Pero ngayon po tinuturuan ako ni Kuya Paco ng ballads and love songs. Mas naa-appreciate ko po ‘yun at ganoon po ang ginagawa ko ngayon.”
Si Jaya ang paboritong local singer ni Cedric.
“Super idol ko po si Mama Jaya. Nakasama ko na po siya, naging close na rin po kami. Parang nanay ko na po siya. Super idol ko po talaga ‘yun.
“Other than that, growing up, ‘yung nanay ko po, super love niya si Sarah Geronimo. Hopefully someday, makatrabaho ko po si Sarah Geronimo.”
Ang paborito ni Cedric na kanta ni Jaya ay ‘yung Laging Naroon Ka.
“Masarap po kasi siyang kantahin.”
Ang paborito namang kanta ni Sarah na gustong-gusto ni Cedric ay ‘yung Paikot-Ikot.
“Kasi iba po ‘yung sound niya.”
Sa ngayon ay under Poly East Records si Cedric. At ang unang single niya rito ay ‘yung Di Na Ba, na mula sa komposisyon ni Paco.
“Ang plano po nila sa akin is, gagawan nila ako ng music video for my original song (Di Na Ba) And hopefully,next month, iri-release na po nila ‘yung album ko na may 8 to 10 songs.”