NULL and void o walang bisa kaya’t hindi puwedeng ipatupad ang kautusan ng pamahalaan ng mga lungsod ng Maynila at Davao na hindi na mandatory ang pagsusuot ng face shield dahil labag ito sa ipinaiiral na patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Inihayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kahapon kasunod ng executive order na nilagdaan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Domagoso na nagsasaad na ‘non-mandatory’ na ang pagsusuot ng face shield maliban sa mga ospital gayondin sa executive order na inilabas ni Davao City Mayor Sara Duterte na optional na lamang ang pagsusuot ng face shield.
“Null and void po (siya) for being in violation of an existing executive policy decreed by the President himself in the exercise of police powers,” sabi ni Roque sa virtual Malacañang press briefing kahapon.
“Lahat po ng mayor ay under po the control and supervision of the President in the executive branch of government. At ang desisyon naman po ng IATF ay desisyon din ng ating Presidente,” dagdag niya.
Nanawagan si Roque sa mga alkalde na ipatupad ang pagsusuot ng face shield sa kanilang nasasakupan habang pinag-aaralan pa ng IATF kung tatanggalin ang naturang patakaran.
Ilang oras matapos ang ‘null and void statement’ ni Roque ay muling inihayag ni Moreno na hindi iuurong ang pagpapatupad ng kanyang EO na nag-aalis sa mandatory na pagsusuot ng face shield.
Ikinatuwiran ng alkalde na nasa kapangyarihan ng mayor na bigyang proteksiyon ang kapakanan ng mga mamamayan, batay sa Local Government Code.
“Well, he is entitled to his opinion. As far as the Local Government Code is concerned, it is within the power of the local chief executive under Section 16, the general welfare clause. His opinion is as good as mine,” ani Moreno.
“We, the local government units and all other elected officials, have a responsibility to take care of our people,” giit niya.
Hinamon ni Moreno si Roque na suspendihin muna ang isang alkalde na naunang naglabas ng EO laban sa mandatory use of face shield.
“Puwede naman nila subukan. Well, wala naman makapipigil sa kanila. Dapat may suspendihin muna silang isang Mayor,” aniya.
Irerekomenda rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa IATF ang pagtatanggal sa mandatory use of face shield sa National Capital Region maliban sa itinuturing na “critical places” gaya ng mga ospital, barangay health centers at public transportation, ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos.
Pinaboran ni vaccine czar Carlito Galvez Jr ang nasabing panukala ng MMDA.
Nauna rito’y sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya na ipapanukla ni DILG Secretary Eduardo Año sa IATF ang pagtatanggal ng mandatory face shield policy sa IATF.