SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
TILA tugma ang salawikaing, ‘sa hinaba-haba ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy’ kina Jomari Yllan a at Abby Viduya. Nagkaroon man kasi sila noon ng kanya-kanyang pamilya o karelasyon, sa huli, sila na ang magkasama.
Wika nga nina Jom at Abby sa isinagawang zoom media conference, ‘sa bandang huli, kami rin pala.’
Inamin ni Jomari na si Abby ang nagsisilbing inspirasyon niya sa buhay.
“Mula nang magsama uli kami, maraming naituwid na tama sa buhay ko. Isa siya sa nagbibigay ng inspirasyon sa akin.
“Si Abby napaka-espesyal niya sa akin. Ang ending, kami rin pala. Si Abby very supportive sa lahat ng ginagawa ko.
“Lucky charm ko siya. Malaking pasalamat ko sa kanya, sa support, sa mga ginagawa ko, lalo na sa public service,” giit ni Jomari na tatakbo, sa ikatlong pagkakataon bilang konsehal sa Parañaque City sa 2022 elections.
Sinabi pa ni Jomari na napakaraming magagandang nangyari sa kanyang buhay nang magkabalikan sila ni Abby at nakatitiyak siyang ang aktres na ang itinadhana sa kanya.
Natanong naman namin si Abby kung paano niya sinusuportahan si Jomari sa ikatlong pagkakataon bilang konsehal. ”I’m here for him. If he needs anything, nandito lang ako for him kung ano ang kailangan niya. Mostly napu-provide ko sa kanya ay inspiration. It goes both ways, pareho kami, inspiration ko rin siya.
“Together we make each other stronger. We can face anything. Ganoon ang love namin for each other. Mutual respect and understanding. Akalain mo, sa huli kami rin pala ni Jomari. Ha-hahaha!” sambit ni Abby.
Kasunod ng tanong namin ay kung ano pa ba ang nadiskubre niya kay Jomari na hindi niya nakita noong una silang nagkarelasyon. ”Isang bagay na na-discover ko kay Jom, surprisingly, his love of helping people. Hindi ko ito nakita noon sa kanya, kasi nga bata pa siya.
“Pero ‘yung heart is there. Hindi siya typical politician. ‘Yung pagmamahal niya sa tao, nandoon talaga. Pinalaki si Jom ng parents niya na God fearing. Very religious si Jom,” pagbabahagi ni Abby.
Ukol naman sa kasalan, inamin nilang wala pa sa plano bagamat sa nalalapit na panahon gusto na nilang magka-baby.
“Pero sana kaya pa ng mga katawan namin. Ha-hahaha!” natatawang sabi ni Jom.
Sa kabilang banda, aminado si Jomari na isinakripisyo niya muna ang kanyang showbiz career para sa public service. Simula kasi nang pasukin ni Jomari ang politika, hindi na siya gumawa ng pelikula o teleserye. Hindi tulad nina Eric Fructuoso at Mark Anthony Fernandez, mga kasabayan niya sa Guwapings na aktibo pa sa showbiz.
“Nandiyan ‘yung mga offer na magaganda, sa ‘Ang Probinsyano,’ naka-meeting ko pa sila Dondon Monteverde and Direk Erik Matti, maganda ang ibinibigay nila sa aking role.
“Pero dapat talaga, 100% ang trabaho mo kapag nasa posisyon ka,” paliwanag ni Jom.
Naikuwento rin ng aktor na may offer din pala siya para tumakbong congressman sa District 4 ng Bicol pero tinanggihan niya iyon dahil mas gusto niyang tapusin ang last term niya bilang councilor ng Parañaque.
At ‘wag ismolin si Jomari dahil nag-aral siya sa UP ng Development Legislation Enhancement Course and Introduction to Excellence in Local Legislation para mas maging karapat-dapat siya sa public service.
Aniya, ”Working for government has been a learning curve for me, reason why I purposely left showbiz so I could focus,’’ sambit ng aktor na isa magagandang nagawa niya sa Parañaque ay ang ordinansang nagbibigay ng educational financial assistance sa mga matatalino at masisipag na estudyante.
Taong 2016 nang unang nahalal si Jomari bilang city councilor at na-re-elect pa noong 2019 sa kaparehong posisyon. At sa Mayo 2022, muli siyang tatakbo bilang konsehal sa ikatlong pagkakataon.