MALAKI ang posisbilidad na hindi makalusot sa senado ang kabuuang P1.9 bilyong panukalang budget para sa 2022 ng Presidential Communication Operations Office (PCOO) o kaya ay tapyasan dahil sa mga isyung kinahaharap.
Sa pagdinig ng Senate Sub-Committee on Finance na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon mariin nitong kinuwestiyon ang pagkakaroon ng 1,479 contract of service (COS) workers.
Nagtataka rin si Senate Minority Leader Franklin Drilon kung bakit malaking budget ang hinihingi ng PCOO gayong hindi naman lahat ng pondo ay nagagamit.
Bagay na kinompirma ni Undersecretary Kris Ablan dahil noong 2020 ay nagbalik sila ng pera sa National Treasury mula sa kanilang savings.
Nadesmaya rin si Drilon na bigo ang pamunuan ng PCOO sa pangunguna ni Secretary Martin Andanar na ipaliwanag ang iba pang aktibidad ng kanyang tanggapan.
Para kay Drilon, mas maigi pang ilaan ang ibang pondo ng PCOO para sa ayuda o dagdag na tugon sa pandemya.
Nagtataka si Drilon kung bakit walang pondo para sa pandemya pero malaking budget ang hinhingi ng PCOO.
Kinuwestiyon ni Drilon ang pagkakaroon ng media consultants ng PCOO, at tinanong kung ano ang kanilang tungkulin at trabaho.
Bukod kay Drilon, marami pang tanong si Gordon na hindi nasasagot kaya mariing nagbanta na babawasan ang budget ng PCOO kapag nabigong magpaliwanag sa lahat ng mga kuwestiyonableng isyung kinasasangkutan. (NIÑO ACLAN)