NANATILING pinakamahirap na senador ang nakabilanggong si Senadora Leila de Lima batay sa inihaing Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga mambabatas.
Sa SALN ng senadora, umabot sa P9,555,116.68 ang kanyang net worth, tumaas ng P1,200,000 kompara sa kanyang deklarasyon noong 2019.
Kapuna-puna naman na mas mayaman si Senador Ronald dela Rosa, sa kanyang net worth na P34,383,136.29, kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, may net worth na P22,274,508.68.
Sina Senadora Cynthia Villar at Senador Manny “Pacman” Pacquiao ay nanatiling pinakamayamang senador sa bansa.
Nagdeklara si Villar ng kabuuang yaman na P3,875,696,435, tumaas ng P61 milyon kompara sa kanyang net worth noong 2019 na P3,814,091,438.
Kilala ang pamilya Villar bilang business tycoon sa bansa, at ang kanyang asawang si dating Senate President Manny Villar ay nalathalang isa sa pinakamayamanag tao sa bansa, may net worth na US$5.6 bilyon o P281 bilyon sa piso.
Pagmamay-ari rin ng mga Villar ang isa sa pinakamalaking homebuilders sa bansa, kilala sa tawag na Vista Land, shopping center developer tulad ng Starmalls Incorporated, at ang housing and condominium developer na Golden Bria Holdings.
Samantala, si Pacquiao ay nagdeklarang may P3,187,092,600.69 net worth na tumaas ng P14.5 milyon kompara sa kanyang yaman noong 2019 na P3,172,524,957.50.
Nagtala ng pagbaba o pagbawas sa kanilang net worth sina Senadora Nancy Binay, Senador Francis “Tol” Tolentino, at Sherwin Gatchalian kompara sa yamang idineklara noong 2019.
Si Binay ay nagdeklara ng P59,770,251 net worth noong 2020 kompara sa P60,318,928 noong 2019, samantala si Tolentino ay P59,770,251 noong 2020 kompara sa P61,172,000 noong 2019; at si Gatchalian na P91,213,596.57 ang net worth noong 2020 kompara sa P95,404,344.93 kompara noong 2019.
Narito ang talaan ng mga yaman ng mga senador mula sa pinakamayaman hanggang sa pinakamahirap:
Cynthia Villar P3,875,696,435.00; Manny Pacquiao P3,187,092,600.69;
Ralph Recto P581,071,657.97; Juan Miguel Zubiri P220,736,702.43; Ramon “Bong” Revilla, Jr., P179,958,909.30; Sonny Angara P150,898,358.00; Frank Drilon P106,862,853.00; Grace Poe P101,327,620.48;
Sherwin Gatchalian P91,213,596.57; Vicente Sotto III P85,643,477.63; Pia Cayetano P84,591,678.21; Richard Gordon P77,569,572.39; Lito Lapid P74,948,600.00;
Francis Tolentino P59,812,000.00; Nancy Binay P59,770,251.00, Panfilo Lacson: P58,330,268.50; Aquilino Pimentel III P37,203,400.00; Imee Marcos: P36,270,467.00; Ronald dela Rosa P34,383,136.29; Joel Villanueva P33,029,725.00;
Kiko Pangilinan P23,941,333.25; Go P22,274,508.68;
Risa Hontiveros P16,720,359.73; at
Leila de Lima P9,544,111.68 (NIÑO ACLAN)